CAVITE – Swak sa kulungan ang isang riding in tandem na nangholdap sa isang ginang habang inilalagay ang pinamili sa kanyang sasakyan at natangay ang mahigit P40,000 cash at mga alahas sa Bacoor City noong Huwebes ng madaling araw.
Nasa kustodiya na ng Bacoor Component City Police Station ang mga suspek na sina alyas “Reymart” at “John” matapos na maaresto sa isinagawang follow-up operation.
Ayon sa reklamo ng biktimang si Jane Marie Celmar, galing siya sa pamimili sa isang convenience store sa Brgy. Habay 1, Bacoor City bandang alas-2:00 ng madaling araw.
Ngunit habang inilalagay niya ang kanyang napamili sa kanyang Suzuki Kizashi nang sumulpot ang mga suspek, tinutukan siya ng baril at nagdeklara ng holdap.
Nakuha sa biktima ang kanyang wallet na may lamang P5,000 cash, hikaw, singsing, bracelet na umabot sa P40,000 ang halaga, iba’t ibang identification cards at susi ng kanyang sasakyan.
Matapos ang panghoholdap, sumakay ang dalawa sa isang itim na motorsiklo at tumakas sa direksyon ng SM Bacoor.
Nagsagawa naman ng follow-up operation ang Bacoor CPS na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)
53