NEGROS OCCIDENTAL – Nag-suicide ang isang high school principal sa loob ng kanyang sasakyan matapos pagbabarilin at mapatay ang isa niyang guro at mister nito noong Lunes ng hapon sa bayan ng Hinoba-an sa lalawigang ito.
Sa report na ibinahagi ni Police Major John Ganzon, hepe ng Hinoba-an Municipal Police Station, sa media, nangyari ang pamamaril dakong alas-8:30 ng umaga sa bisinidad ng Senior High School Uybico Bilbao sa Brgy. Pook, Hinoba-an municipality.
Itinuturong suspek sa pamamaril ang isang Warren Escosar na principal umano ng paaralan, natagpuang patay sa tabi ng kanyang sasakyan
Habang kinilala ang mga napatay na si Alvarisa Arroy na guro sa paaralan, at ang asawa nito.
Lumitaw sa paunang imbestigasyon na pinagbabaril ni Escosar ang mag-asawang Arroy makaraan ang kanilang argumento.
Matapos barilin ang mag-asawa ay sinasabing pumasok sa kanyang sasakyan si Escosar at doon naman binaril ang kanyang sarili.
Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang pinagtalunan ng tatlo bago ang pamamaril, na hinala ng mga imbestigador ay posibleng may kinalaman sa harassment case.
Sinasabing plano umano ng guro na maghain ng reklamo ng pambabastos laban sa principal. (JESSE KABEL)
213