TENSYON SA PAMAMAHAGI NG ABANDONED BALIKBAYAN BOXES SA BULACAN

bulacan

BAHAGYANG nagkaroon ng tensyon sa pamamahagi ng mga na-auction na abandonadong Balikbayan Boxes sa isang warehouse sa Balagtas, Bulacan nitong Sabado.

Nabatid na mahigit 100 mga consignee na pawang mga kaanak ng mga nagpadalang overseas Filipino workers (OFW), ang dumagsa sa FR Agbay Enterprises sa Hobart Warehouse Compound kung saan nakalagak ang nasa mahigit 3,000 balikbayan boxes na nakatakdang i-release tuwing araw ng Sabado.

Ang nasabing balikbayan boxes ay ipina-auction ng Bureau of Customs (BOC) kamakailan makaraan ideklarang abandoned goods dahil hindi na inasikaso ng consolidator mula sa ibang bansa gayundin ng local deconsolidators sa Pilipinas.

Dakong alas-8:00 am ay puno na ng mga consignee ang harapan ng bodega na matatagpuan sa Barangay Borol 1st Balagtas, Bulacan upang makuha ang mga padalang balik-bayan boxes subalit inanunsyo ni Robert Uy, Filipino-Chinese at presidente ng FR Agbay Enterprises, na ipinatigil ng BOC ang isasagawa sanang pag-release makaraang makatanggap ng memorandum na iniuutos ang pagpapahinto ng releasing activity.

Dito ay nagalit ang mga tao dahil sa karamihan ay umarkela ng sasakyan at nagmula pa sa malalayong lalawigan gaya ng Ilocos, Cagayan, Ilo-ilo, Eastern Samar, Laguna at iba pang mga probinsiya.

Ayon kay Uy, na siya ring kinatawan ng Association of Bidders of the Bureau Of Customs, maayos ang kanilang sistema ng pag-release ng balikbayan boxes at hindi sila naniningil ng kahit magkano.

Nagbanta umano ang mga claimant na hindi sila papayag na hindi nila makukuha o maiuuwi ang inaasahang balikbayan boxes dahil sa karamihan sa mga ito ay Biyernes pa ng gabi nag-aabang at ang iba naman ay madaling-araw ng Sabado dumating.

Malumanay na kinausap ni Uy at ng mga kasamahan nitong co-bidders, ang mga tao upang hindi na humantong sa gulo kasabay ng pagpapaliwanag na hindi nila kagustuhan ang nangyari.

Agad naman nakarating kay Dir. Michael Fermin ng Internal Administration Office/ Trade Information Risk Analysis ng BOC, ang insidente kaya agad nitong tinawagan si Uy at pinayagan ito na ibigay na ang mga bagahe sa mga taong dumating para maiwasan ang namumuong tensyon.

“Ayaw natin lumala pa ang sitwasyon kaya pinayagan na natin na i-release ang mga boxes sa mga claimants na dumating na sa warehouse, after nito ay stop na ang releasing,” wika ni Dir. Fermin.

Napag-alaman na ang mga naturang balikbayan boxes ay idineklara ng BOC bilang mga abandoned goods dahil sa mahigit 7 buwan nang unclaimed o lapse na sa palugit na tagal nang pagkakaimbak.

Pagkaraan nito ay isinailalim ito sa public auction kung saan ang Agbay Enterprises ang nanalong bidder at ire-release ang mga ito “for pick-up”.

Ayon kay Fermin, pinahinto nila ang for pick up system dahil nais nila na makarating ang balikbayan boxes sa pamamagitan ng door-to-door delivery upang dumating ang mga bagahe sa tamang due date o bago mag-Pasko.

Ang door-to-door delivery ay gagampanan ng Door to Door Consolidator Association of the Philippines (DDCAP) na awtorisado ng BOC.

Base sa nakapaloob na kasunduan, sina Uy ang siyang righteous bidder para magpamahagi ng naturang mga bagahe at ito ay libreng ibabalik sa mga consignee o may-ari kaya naman bakit pa anila kailangang ipasa sa DDCAP ang pag-release nito.

Ayon kay Uy, sa loob ng dalawang linggo tuwing Sabado ay nakapag-release na ang FR Agbay Enterprises ng nasa 900 boxes sa mga consignee.

Laking pasasalamat naman ni Liezel Macabebe, balikbayan OFW na nanggaling pa ng Iloilo, dahil pinayagan sila ni Dir. Fermin para makuha ang kanyang pinadalang bagahe na nagkakahalaga ng P150,000.

Ayon pa kay Fermin, base sa direktiba ni BOC Commissioner Yogi Felimon Ruiz, ang mga consignee na manggagaling sa NCR ay dapat mai-deliver ang balikbayan boxes sa loob ng isang linggo, two weeks kung sa Luzon at 2 to 4 weeks kung mula Visayas at Mindanao.

Nais ni Ruiz na matanggap ng rightful owners ang mga naturang package ngayong holiday season.

Panawagan ni Fermin, sa mga susunod na linggo ay wala nang magaganap na pick-up scheme sa mga bagahe at ito ay ide-deliver na lamang sa kanilang mga address via door to door scheme. (ELOISA SILVERIO)

15

Related posts

Leave a Comment