TIMEKEEPER NA-SANDWICH SA 2 BARGE, PATAY

QUEZON – Patay ang timekeeper ng isang construction company matapos maipit sa pagitan ng dalawang barge sa ilog sa Brgy. 10, sa bayan ng Catanauan sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Jhunie Marzan Espinar, 26, residente ng Brgy. Nagpayong Pasig, City, idineklarang dead on arrival sa Bondoc Peninsula District Hospital.

Dumanas naman ng minor injury ang kasama nitong construction worker na si Jeric A. Bragais, 22, taga Antipolo City.

Ang dalawa ay kapwa empleyado ng Gerald Construction mula sa Pasig City na siyang contractor ng dike.

Ayon kay P/Maj. Leonardo  Suaverdez, hepe ng  Catanauan Police, nakasakay ang dalawa sa isa sa dalawang barge na may kargang malalaking bato na gagamitin sa ginagawang dike sa ilog, nang biglang maputol ang bakal na bolt na nagkokonekta sa dalawang barge.

Dahil sa bigat ng karga, parehas lumubog ang magkabilang dulo ng barge kung saan nahulog naman ang biktima at naipit sa pagitan ng mga ito.

Matapos ma-rescue, agad itong isinugod sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Nangako naman ang pamunuan ng construction company na sasagutin ang lahat ng gagastusin sa dalawang biktima. (NILOU DEL CARMEN)

126

Related posts

Leave a Comment