Tinangka pang manuhol ng P2-M EX-COP PINOSASAN SA HOMICIDE

pulis

RIZAL – Tinangka pang suhulan ng dating pulis ang mga operatiba ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group ng P2 milyon para hindi ito hulihin sa kasong homicide, noong Miyerkoles sa bayan ng Taytay.

Kinilala ni IMEG Director Brig. Gen. Samel Nacion, dinakip ang suspek na si Ex-PO3 Luis Jomok III, Brgy. Dolores ng nabanggit na bayan, sa bisa ng warrant of arrest na isyu ni Judge Wilhelmina Jorge-Wagan ng Branch CXI (111) RTC-National Capital Region-JR, Pasay City.

Nabatid na si Jamok na dating pulis, ay tatlong beses na na-demote ng ranggo hanggang sa sibakin ito sa tungkulin.

Sangkot ang suspek sa pamamaril noong Agosto 7, 2008 sa Pasay City sa biktimang kinilalang si Billy Lozada, at nagkaroon ng standing warrant of arrest sa kasong homicide noong Setyembre 2021.

Matapos na malaman na mayroong warrant of arrest ay nagtago ang suspek hanggang sa matunton ito ng pulisya.

Noong Hunyo 4 ay nakatanggap ng impormasyon ang Counter Intelligence Division ng IMEG kung saan nagtatago ang suspek sa Taytay, Rizal.

Dakong alas-11:23 ng umaga noong Hunyo 15, nagsagawa ng operasyon ang IMEG at naaresto ang suspek sa kanilang bahay sa Brgy. Dolores ng nasabing bayan kung saan sinubukan pang suhulan nito ang mga dating kasamahan ng halagang P2 milyon para sa kanyang kalayaan pero hindi ito pinatulan ng mga pulis na umaresto sa kanya. (ENOCK ECHAGUE)

84

Related posts

Leave a Comment