TIRADOR NG MOTORSIKLO BISTADO SA CCTV

QUEZON – Pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo sa isang motorcycle shop sa bayan ng Candelaria sa lalawigang ito, noong Biyernes ng madaling araw.

Batay sa report ng Candelaria Police, mag-aala-una ng madaling araw nang nakawin ng dalawang hindi kilalang suspek na mga nakasuot ng itim na hoodie at jacket at itim na bonnet, ang motorsiklo sa motorcycle repair shop sa Purok 5, Barangay Mangilag Sur sa nasabing bayan.

Ngunit nakuhanan ng CCTV ng shop ang pangyayari. Sa nasabing kuha ng CCTV, isa sa mga suspek ang nagtanggal ng lock ng manibela ng motorsiklo sa service area habang isa naman ang umaktong look-out.

Pagkaraan ay mabilis na itinulak ng suspek ang motorsiklo palabas ng shop. Napag-alaman na iniwan lang ng isang kostumer ang motorsiklo at ipinagagawa sa shop.

Pero ayon sa Candelaria police, kasama sa kanilang iniimbestigahan ang mismong may-ari ng motorsiklo dahil agad nitong pinagbabayad ang may-ari ng shop sa nawalang motorsiklo.

Nag-alok na ng pabuya ang may-ari ng shop sa makapagbibigay ng impormasyon kung sino ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)

107

Related posts

Leave a Comment