TOLDA CLASSROOM SA POLILLO ISLAND

TATLONG linggo matapos ang paghagupit ng Super Typhoon Karding, balik-eskwela na nitong Lunes ang mga estudyante sa Polillo Island.

Subalit sa isang eskwelahan sa bayan ng Burdeos na nasa loob ng isla, walang mapasukang classroom ang mga estudyante.

Sa halip, ginagamit ng mga mag-aaral ng Carlagan Integrated School sa Barangay Carlagan ang mga makeshift tent o tolda, pasilyo ng mga hindi naapektuhang building at maging ang kanilang chapel bilang silid-aralan.

Ito ay matapos wasakin ng Bagyong Karding ang maraming pasilidad ng kanilang paaralan maging ang kanilang multi-purpose covered court.

Ang barangay Carlagan ang isa sa mga pinakaunang barangay na hinagupit ng bagyo nang mag-land fall ito sa bayan ng Burdeos.

Kaya panawagan ngayon ng mga guro, estudyante at mga opisyal ng barangay sa Department of Education (DepEd) at sa mga kinauukulang sangay ng pamahalaan na bilisan ang aksyon para maibalik ang mga estudyante nila sa maayos at komportableng classroom. (NILOU DEL CARMEN)

22

Related posts

Leave a Comment