TOP 2 MWP TIMBOG SA AKLAN NG MPD OPERATIVES

NAGING matagumpay ang isinagawang ” Oplan Saliksik” at Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation ng mga operatiba ng Manila Police District na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 24-anyos na lalaking suspek sa umano’y pagmolestiya sa isang 5-anyos na batang lalaki, nang matunton sa Ibajay, Aklan.

Kinilala ang suspek na si Gerald Ternora, service crew sa isang fastfood restaurant, at nanunuluyan sa Barangay Colong, Ibajay, Aklan.

Base sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, station commander, bandang alas-4:00 ng hapon nang arestuhin ang suspek sa nasabing lugar, sa pangunguna ni Police Executive Master Sergeant Vicente Mabborang, ng Station Warrant Section, makaraang inguso ng isang impormante ang kinaroroonan nito matapos magtago mula noong Hulyo 2022.

Nang matunton sa nasabing lugar, inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Delight Aissa Salvador ng Regional Trial Court Branch 29 ng Manila.

Si Ternora ay inakusang nang-abuso umano ng isang 5-anyos na batang lalaki.

Ang suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 10 (A) ng RA 7610 (Rape under Art. 266-A, par. 2, Revised Penal Code na inamiyendahan sa Republic Act 8353 in relation to sec. 5 (B) ng RA 7610).

Ayon sa record ng PNP, top 2 most wanted person (district level) ang nasabing suspek na inirekomenda ng korte na maglagak ng piyansang P280,000 para sa pansamantala niyang paglaya. (RENE CRISOSTOMO)

44

Related posts

Leave a Comment