BUNSOD ng mahabang oras na itrinabaho ng Board of Election Inspectors (BEIs) at iba pang poll workers noong nakaraang eleksyon, humihirit ng overtime pay ang isang grupo ng mga guro para sa mga ito.
“Giit din naming dapat mabayaran ang overtime ng mga gurong nagsilbi sa eleksyon,” ayon kay Raymond Basilio, secretary general ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na maraming lugar ang nagkaroon ng aberya sa pagboto matapos masira ang kanilang vote counting machines (VCM) at maging ang secure digital (SD) cards.
Umabot umano sa anim na oras bago napalitan ng Commission on Election (Comelec) ang mga nasirang VCM at SD cards kaya mas humaba ang oras ng trabaho ng mga BEI at iba pang poll workers.
“Many of our electoral boards started rendering services at 4:00 am on May 9,” ani Basilio subalit dahil sa aberya sa VCM at SD cards ay lagpas 24 oras nagtrabaho ang mga BEI.
“Sa puntong ito, hindi lang paliwanag ang hinihingi namin sa Comelec, kundi kagyat na aksyon at pananagutan,” dagdag pa ni Basilio. (BERNARD TAGUINOD)
194