TRADER KINASUHAN NG BIR SA PEKENG YOSI

SINAMPAHAN ng kasong kriminal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kahapon sa Department of Justice (DOJ) ang isang negosyante dahil sa pekeng mga sigarilyo.

 Ang negosyanteng si Arthur Villena Bautista ay sinampahan ng kasong “Unlawful Possession or Removal of Articles Subject to Excise Tax Without Payment of Tax, Failure to File Excise Tax Returns at Unlawful Pursuit of Business na paglabag sa Section 263, 255 at 258 ng National Internal Revenue Code of 1997, as amended.

Si Bautista ay nahaharap sa kabuuang pagkakautang sa excise tax na halagang P1,662,525, kasama ang mga tubo.

Ang respondent ay isang Filipino citizen na may residential address sa Brgy. Kabulihan, Gen. M. Natividad, Nueva Ecija.

Ang kanyang negosyo ay rehistrado sa BIR Revenue District Office (RDO) No. 23B – South Nueva Ecija.

Ang pagsasampa ng nasabing kasong kriminal ay nag-ugat mula sa natanggap na sulat mula sa Philippine National Police (PNP) – Nueva Ecija Police Provincial Office, at tax enforcement activities sa pamamagitan ng inisyung Mission Order na nakadirekta sa Revenue Officers ng Revenue Region No. 4 – City of San Fernando, Pampanga na nagsagawa ng beripikasyon, surveillance, at seizure activities sa warehouse/registered address ng respondent.

Sa nasabing enforcement activity, may kabuuang 50 boxes na naglalaman ng 24,630 packs of cigarettes, na walang required BIR stamps, ang nakumpiska ng mga awtoridad.

Ang nasabing boxes ay selyado at pinirmahan ng BIR Revenue Officers, police officers mula PNP-Nueva Ecija, barangay officials at taxpayer’s representative. (JOEL O. AMONGO)

7

Related posts

Leave a Comment