MULI na namang gumawa ng salungat na aksyon ang China sa West Philippine Sea nang lagyan nila ng barikada ang bungad ng Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) na isang traditional fishing ground ng mga mangingisdang Pinoy, na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Agad namang kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang paglalatag ng China Coast Guard ng floating barrier sa may South portion ng Bajo de Masinloc.
Sinasawata ng barikada ang pagpasok ng Filipino Fishing Boats (FFBs) sa bungad ng Bajo de Masinloc na tahasang nagkakait sa mga mamamalakaya na makapangisda at makapaghanapbuhay.
Nadiskubre ito ng mga tauhan ng PCG at BFAR na sakay ng BRP Datu Bankaw, nang magsagawa sila ng routine maritime patrol noong Setyembre 22, 2023 sa paligid ng Bajo de Masinloc (BDM).
Sinasabing nasa tatlong Rigid Hull Inflatable Boats (RHIBs) ng China Coast Guard at service boat ng Chinese Maritime Militia ang naglatag ng floating barrier pagdating ng BFAR vessel sa paligid ng shoal.
Dito napag-alaman na kadalasang naglalagay ng mga floating barrier ang mga sasakyang pandagat ng CCG sa tuwing may malaking bilang ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar, ayon sa mga mangingisdang Pilipino.
Sa pagbabantay ng PCG at BFAR kasabay ng pamamahagi ng ayuda sa mga mamamalakaya, ay may apat na barko ng CCG na pinangungunahan ng Chinese Coast Guard vessel CCG-2105, ang nagsagawa ng radio challenges para itaboy ang barko ng BFAR at fishing boats.
Nabatid na namahagi ang mga tauhan ng Coast Guard na sakay ng BRP Datu Bankaw, ng ilang grocery items at fuel subsidies sa 50 Filipino fishing boats sa area.
“This, however, was met by Chinese Coast Guard vessel CCG-2105 with a series of 15 radio challenges in an attempt to drive away the BFAR vessel.”
Ayon sa China Coast Guard crew, ang presensiya ng barko ng BFAR at ng Filipino fishermen ay labag sa international law at domestic laws ng People’s Republic of China (PRC).
Tumugon naman ang BFAR vessel at sinabing sila ay nagsasagawa ng routine patrol sa loob ng territorial sea ng Bajo de Masinloc.
Natigil lamang umano ang mga radio challenge nang mapansin ng CCG na may mga media personnel na sakay sa barko ng Pilipinas kaya agad ito dumistansya at umalis.
Siniguro naman ni Philippine Coast Guard, Commandant Admiral Artemio Abu ang suporta nito sa BFAR at ng iba pang national government agencies upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisdang Filipino.
Samantala, krimen umano ang ginawa ng China na pagbalasubas sa coral reefs sa West Philippine. Una nang sinalungat ng PCG ang pahayag ng China na isang drama lamang ang pinalulutang ng Pilipinas hinggil sa pagkasira ng corals sa Rozul Reef at Escoda Shoal sa West Phl Sea.
Ayon sa Coast Guard, ang ginawang pag-harvest at pagtatapon ng mga korales sa Rozul Reef at Escoda Shoal ay isang seryosong krimen.
Una rito, inakusahan ng tagapagsalita ng Chinese foreign ministry, ang Pilipinas na gumagawa ito ng isang political drama mula sa isang fiction hinggil sa corals at dapat alisin na ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nang sa gayon ay maprotektahan ang marine ecosystem sa lugar.
(JESSE KABEL RUIZ)
