TRIKE INARARO NG AUV; BATA PATAY, 6 SUGATAN

patay

ANTIPOLO CITY – Patay ang isang bata habang sugatan ang anim pang biktima kabilang ang apat na menor de edad, matapos araruhin ng isang AUV na nawalan ng preno, ang isang tricycle sa Brgy. Sta. Cruz sa lungsod na ito, noong Martes ng tanghali.

Ayon sa Antipolo Police, namatay sa insidente ang 11-anyos na batang babae na si Jehazel Embang na pasahero ng tricycle.

Sugatan naman ang 41-anyos na driver ng tricycle na si Jobert Labao, at ang pasaherong si Mitchil De-Erit, 27, at ang 16-anyos na si Sophia Feliciano.

Sugatan din ang 12-anyos na lalaki na anak ni Labao at ang 4-anyos na anak ni De-Erit, at isa pang 12-anyos na batang babae.

Batay sa report ng Antipolo Police, dakong alas-11:50  ng umaga nang masalpok at makaladkad ng AUV na Highlander ang tricycle sa isang makitid na kalsada sa Sitio Gumamela 2, Brgy. Sta. Cruz sa nasabing lungsod.

Sa lakas ng pagkakasalpok, bumaliktad pa ang tricycle. Sa kuha ng CCTV, makikitang mabilis na tumatakbo ang AUV habang tulak-tulak nito ang tricycle.

Isinugod sa Antipolo District Hospital ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival ang bata.

Ayon sa 74-anyos na driver ng AUV na si Juanito Bulseco, nawalan ng preno ang kanyang sasakyan at hindi nito naiwasan ang sinusundang tricycle.

Huminto lamang ang AUV matapos na sumalpok ito sa hulihan ng sasakyang nasa unahan ng van.

Nasa kustodiya na ng Antipolo Police ang driver ng AUV na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries and damage to properties. (NILOU DEL CARMEN)

20

Related posts

Leave a Comment