TROSOHAN, MINAHAN SA SIERRA MADRE TATALUPAN NG KONGRESO

TARGET ng Kamara de Representante ng isang malalimang imbestigasyon kaugnay ng mga napaulat na malawakang operasyon ng mga ilegal na pagtotroso at walang habas na pagmimina sa kabundukan ng Sierra Madre.

Sa House Resolution 430 na inihain mismo ni House committee chairman at Cavite Rep. Elpidio Barzaga, hihimayin ang mga alegasyon kaugnay ng di umano’y patuloy na pagwasak sa 2.8-milyong ektarya ng kabundukang panangga sa malakas na hampas ng hangin at pumipigil sa pagragasa ng tubig patungo sa kapatagan.

“There is an urgent need to determine whether human activity such as illegal logging, gold mining, limestone mining, construction aggregate quarrying, deforestation and dam construction are being conducted at the Sierra Madre Mountains,” ani Barzaga sa kanyang resolusyon.

Para kay Barzaga, napapanahon nang tuldukan ang pagwasak sa kabundukang nagsisilbing proteksyon ng mga residente ng mga lalawigan sa hilaga hanggang katimugang bahagi ng Luzon sa tuwing mananalasa ang mga bagyo.

Ayon sa kongresista, hindi na angkop na manahimik ang kongreso sa lantarang pagsasamantala sa likas na yaman ng bansa sukdulang magdulot ng perwisyo sa iba. Patunay aniya nito ang pagpanaw ng limang kawani ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, sa pagsagip ng mga pamilyang apektado ng malalim na pagbaha sa bayan ng San Miguel sa lalawigan ng Bulacan.

Kabilang naman sa sisilipin ang permits at clearances na inisyu ng mga ahensya ng pamahalaan.

“There is a need to confirm if there were corresponding permits issued by the concerned government agencies. If indeed permits were issued, were there environmental impact assessments regarding their effect on the Sierra Madre Mountains?” (BERNARD TAGUINOD)

131

Related posts

Leave a Comment