TRUCK DRIVER ARESTADO SA ‘SIPSIP TANGKE’

CAVITE – Arestado ang isang driver habang pinaghahanap ang helper nito makaraang maaktuhan na naglilipat ng gasolina galing sa minamanehong truck nito patungo sa isang plastic container, sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang naarestong suspek na si Ramon Darantan Jr., 32, driver, habang pinaghahanap ang helper nito na si Justo Drio Vereynato, 41-anyos.

Ayon sa ulat, pauwi galing sa trabaho si P/SSgt. Bobbie B Balazo, ng GMA Police Station, nang madaanan nito ang dalawa dakong alas-4:30 ng hapon sa Brgy. A. Olaes, GMA, Cavite habang kumukuha ng gasolina mula sa tangke ng closed van truck na may plakang NBB 7903 na pagmamay-ari ng One Roadway Trucking Incorporated, at inililipat sa isang container.

Nang sitahin ang dalawa, mabilis na tumakas si Vereynato subalit hindi na nakaporma si Darantan.

Ayon sa kinatawan ng One Roadway Trucking Services, nakahanda silang kasuhan ang kanilang driver na nakakuha ng 10 litro ng diesel fuel na nagkakahalaga ng P600, na umano’y planong ibenta sa katabing junkshop.

(SIGFRED ADSUARA)

225

Related posts

Leave a Comment