TSISMOSA PAGMUMULTAHIN SA VALENZUELA

SIMULA ng pagpasok ng 2022 ay kapuna-punang halos doble ang bilang ng active cases sa Valenzuela City kumpara sa mga karatig lungsod nitong Caloocan, Malabon at Navotas, at isa sa mga nasisilip na dahilan ng mismong mga Valenzuelano ay ang nagkalat na nagtsitsismisan sa lungsod.

Bunsod nito, hindi iilan ang nanawagan na magpatupad ang Sangguniang Panlungsod ng ordinansang magpapataw ng mas mabigat na parusa gaya ng malaking multa o pagkakakulong o pareho sa mga mahuhuling nagtsitsismisan

“Dapat talaga magkaroon na ng ordinansa laban sa mga Maritess at Tolits. Obvious naman kasama sila sa mga ayaw magpabakuna na dahilan ng paglobo ng mga kaso dito,” ayon kay alyas “Tatang.”

“‘Yang mga tsismosang ‘yan parang sumasamba sa Delta at panginoon ang Omicron. Alam nang maraming kaso ng COVID ngayon, wala pa ring pahinga ang mga bunganga kasasalita at mga tenga kasasagap ng kung ano-anong walang kwenta,” sabat naman ni Aling Nena.

“Dati ang problema lang, ugat sila ng mga awayan sa mga bahay-bahay.  Ngayon posibleng sakit na ang dala nila sa mga minsan nahihila nilang tsismisan. Kawawa naman, lalo ‘yung mga may anak na bata na ‘di pa pwedeng bakunahan,” ayon naman kay alyas “Mang Nano”.

“Dapat talaga magkaroon ng Anti-Maritess Ordinance dito.  Nakakahiya na tayo. Gaya itong si Sara, kalahating oras lang, pangatlo na itong umpukan na napupuntahan,” ayon kay alyas “Dingdong”.

Hindi na nakasagot si Sara at natigil bigla ang usapan ng nasabing magkakapitbahay sa isang sitio sa Barangay Marulas nang may dumating na kotseng pula at pinauwi sila sa kanilang mga bahay ng mga sakay nito. (ALAIN AJERO)

163

Related posts

Leave a Comment