TULAK, 3 PA HULI SA DRUG BUST

BALOT ng hinagpis ang isang umano’y tulak ng ilegal na droga matapos siyang iwan sa ere ng kanyang kumpareng nakatunog na parak ang kanilang katransaksyon, habang tatlo pa ang nahuli sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Navotas City.

Natiklo sa operasyon sa Kapalaran 3 St., Brgy. San Roque sina Roselle Calamba, 36, at Roderick Austria alyas “Odek,” 50, habang patuloy na nagliliwaliw sa laya ang kumpare ni Austria na si Augusto Genuino alyas “Barok,” 42, na pumuslit agad nang maamoy na parak ang kanilang kausap.

Kumpiskado sa mga dinakip ang 5.2 gramo ng umano’y shabu na may presyong  P35,360, P300 buy-bust money at P300 cash.

Nauna rito, nadakip sa operasyon sa Dalagang Bukid, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS), Dagat-Dagatan, sina Rodolfo Narnoco alyas “Boyong”, 34, mangingisda, at Ronaldo Edio, 39, kapwa residente ng Brgy. NBBS Kaunlaran, at nakumpiskahan ng limang gramo ng hinihinalang shabu na may presyong P34,000 at P500 marked money. (ALAIN AJERO)

114

Related posts

Leave a Comment