UMPUKAN BINATO NG GRANADA

APAT katao ang naitalang sugatan makaraang hagisan ng granada ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang isang tumpukan ng mga kalalakihan sa bayan ng Matalam sa lalawigan ng North Cotabato.

Agad na isinugod sa pagamutan ang mga biktimang kinilala ni Matalam chief of police Major Junrel Amotan na sina Elizabeth Wahing, Florencio Wahing, 10-anyos na batang lalaki at isa pang hindi tinukoy sa ulat ng pulisya.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nahagip pa ng CCTV ang malagim na insidenteng naganap sa harap ng tindahan sa Purok Uno, Barangay Kilada ng nasabing bayan.

Agad namang nagkasa ng joint manhunt operation ang North Cotabato PNP at Philippine Army 602nd Infantry Brigade laban sa apat na mga suspek na mabilis tumakas lulan ng dalawang motorsiklo.

Sa salaysay ng mga testigo, dakong alas 9:00 ng gabi nang namataan ang nasabing grupong paikot-ikot sa lugar ng pinangyarihan bago pa maganap ang insidente. Anila, una munang pinutukan ng kalibre .45 na baril ang mga biktima bago naghagis ng granada ang tumakas na mga suspek.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang pagkakakilanlan at ang motibo ng mga salarin. (JESSE KABEL)

6

Related posts

Leave a Comment