‘UNHOLY ALLIANCE’ NI MARCOS JR. SA US, JAPAN MAPANGANIB

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

BINATIKOS ng mga militanteng grupo ang anila’y ‘unholy alliance’ ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Amerika at Japan dahil sa posibilidad na magdulot ito ng panganib sa Pilipinas.

Sa kanilang protesta kahapon sa harapan ng US Embassy sa Maynila, kinondena ng mga grupong kinabibilangan ng Kilusang Mayo Uno (KMU), AGHAM Youth, Katribu, at Sandugo ang alyansa nina Marcos Jr., US President Joe Biden at Japan Prime Minister Fumio Kishida.

Kinontra naman ng ilang political analyst ang mga nagsasabing posibleng maging mitsa ng giyera sa pagitan ng Pilipinas at China ang pagpapalakas natin ng alyansa sa ibang bansa.

Nag-ugat ang pangamba sa idinaos na kauna-unahang trilateral summit ng Pilipinas, US at Japan.

Sa isang panayam sa radyo, binigyang-diin ng mga political analyst na sina UPLB Professor Dr. Antonio Contreras at Atty. Edward Chico na ang pakikipag-alyansa ng Pangulong Marcos sa ibang bansa ay hindi hudyat ng pakikipag-gyera kundi isang pagtitiyak ng kapayapaan sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Ayon kay Prof. Contreras, hindi basta-basta makikipag-giyera ang China sa Pilipinas dahil alam nitong may tutulong sa bansa na malalakas tulad ng Amerika at Japan.

Una nang ipinanukala ng kapatid ng pangulo na si Sen. Imee Marcos na pag-usapan na lamang ang patuloy na pambu-bully ng China ngunit sinabi ni Prof. Contreras na wala itong saysay lalo na’t matagal na nilang hindi kinikilala ang nilalaman ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Ngayong nakikita na sa buong mundo ang panget ng imahe ng China, sinabi naman ni Atty. Chico na posibleng nape-pressure na ang Beijing at kaya posibleng patuloy na umaaligid ang kanilang barko sa WPS.

Isa rin aniya itong pagkakataon upang muling buksan ang pag-uusap ng dalawang bansa hinggil sa mga pinag-aagawang teritoryo sa WPS.

52

Related posts

Leave a Comment