SWAK sa selda ang anim na miyembro ng militanteng grupo matapos buhusan ng pintura ang logo ng US Embassy sa Roxas Boulevard, Manila sa isinagawa nilang lightning rally sa harap ng nasabing tanggapan nitong Martes ng umaga.
Base sa ulat ni “The Game Changer” Police Brigadier General Andre Perez Dizon, ang anim na indibidwal ay binitbit makaraang maaktuhan habang sinasabuyan ng pintura ang logo ng US Embassy.
Ayon kay General Dizon, pinapayagan naman nila na magsagawa ng kilos protesta ang mga militante upang ilabas ang kanilang mga hinaing at panawagan, ngunit hindi nila papayagan ang ganitong gawain.
Kabilang sa mga hinaing ng militanteng grupo na kinabibilangan ng mga kabataan, ang kanilang mahigpit na pagtutol sa pinakamalaking Balikatan joint military exercise sa pagitan ng US at ng Pilipinas na sisimulan ngayong araw.
Ayon pa sa heneral, ang hakbang na pagsaboy ng pintura sa logo ng Embahada ay isang uri ng pagpapahiya sa mga awtoridad lalo na sa gobyerno ng Pilipinas.
Aniya, tila nais ng mga militante na sirain ang magandang relasyon sa pagitan ng US at Pilipinas, kaya’t napilitan silang arestuhin ang ilan sa mga ito na nagresulta sa habulan. (RENE CRISOSTOMO)
