US, EU NABAHALA SA BAGONG OMICRON COVID-19 VARIANT

NAGPAHAYAG ng pagkabahala si U.S. President Joe Biden hinggil sa natuklasang Omicron COVID-19 variant na kumakalat ngayon sa Southern Africa kaya ipinag-utos na magkaroon sa Amerika ng air travel restriction mula South Africa at pito pang bansa kasabay ng panawagan sa kanilang mamamayan na fully vaccinated na magpa-booster shot at magpabakuna naman ‘yung mga hindi pa nakatatanggap ng COVID-19 jabs.

Ito ay kasunod ng deklarasyon ng World Health Organization na ang Omicron o B.1.1.529 variant na nakita sa South Africa bilang isang SARS-CoV-2 na “variant of concern,” ay maaaring kumalat nang mas mabilis kaysa iba pang mga anyo o variants ng coronavirus.

Nabatid sa paunang ebidensya na may mas mataas na panganib ng muling impeksyon at magkaroon ng “nakapipinsalang pagbabago sa epidemiology ng COVID-19”.

Ito ang inilabas na pahayag pagkatapos ng isang saradong pagpupulong ng mga independiyenteng eksperto na nagsuri sa data.

Nagkukumahog ngayon ang mga eksperto para madetermina ang bilis ng pagsalin o infection ng nasabing variant at kung lumalaban ba ito sa bakuna.

Ilang linggo umano bago madetermina ang variant’s transmissibility at ang epekto ng bakuna at therapeutics effects nito laban sa virus.

Ayon kay Biden, dapat na mamulat ang lahat ng bansa na hindi magwawakas ang pandemia hangga’t walang global vaccination kaya hinamon din ng US president ang mayayamang bansa na mag-donate ng bakuna sa mahihirap na nasyon at kung maaari ay tapatan nila ang bilis at generosity ng US sa pagkakaloob ng bakuna sa ibang bansa, na mas malaki kahit pagsamasamahin ang mga donasyon ng lahat ng mga bansa.

Nanawagan din ang Amerika sa lahat ng bansa na dadalo sa gaganaping World Trade Organization Ministerial Meeting na sagutin ang kanilang hamon na i-wave ang Intellectual Property Protection para sa COVID-19 vaccines para maaari nang makapag-manufacture globally ng bakuna para mabilis na makatugon sa pangangailangan ng mundo.

Ayon sa mga eksperto, patuloy na nagmu-mutate ang COVID-19 habang hindi pa nakakamit ang herd immunity.

Nabatid na kasama ang Pilipinas sa mga bansang binalaan ng mga dalubhasa dahil ang bagong COVID-19 variant na nadiskubre sa South Africa ay nakarating na sa Hong Kong. Hinikayat ang mga opisyal ng Philippine government na magsagawa ng precautions measures laban sa pagpasok ng Omicron variant sa Pilipinas.

Ang mga impeksyon sa South Africa ay tumaas nang husto sa nakaraang mga linggo, kasabay ng pagkatuklas ng variant na itinala ngayon bilang omicron, sinabi ng WHO.

“Ang variant na ito ay may malaking bilang ng mga mutasyon, ang ilan sa mga ito ay lubhang nakababahala. Ang mga paunang ebidensya ay nagmumungkahi ng mas mataas na panganib ng reinfection sa variant na ito, kumpara sa iba pang mga variant of concern,” ayon sa WHO.

“This variant has been detected at faster rates than previous surges in infection, suggesting that this variant may have a growth advantage,” dagdag pa ng mga dalubhasa.

“Ang variant na ito ay nakita sa mas mabilis na rate kaysa mga nakaraang pag-atake ng impeksyon, na nagmumungkahi na ang variant na ito ay maaaring magkaroon ng kalamangan sa paglago,” sabi pa ng WHO. (JESSE KABEL)

42

Related posts

Leave a Comment