TULAD ng inaasahan, dumating na sa Pilipinas si United States Defense Secretary Lloyd Austin para makipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Defense Sec. Carlito Galvez at maging sa Armed Forces of the Philippines kaugnay ng napabalitang sabayang pagpapatrolya sa karagatang inaangkin ng bansang China.
Unang tinungo ni Austin na nasa Pilipinas sa ikalawang pagkakataon, ang katimugang bahagi ng bansa para sa isang talakayan kasama si AFP chief of staff Gen. Andres Centino at AFP Western Command chief Lt. Gen. Roy Galido.
Nananatiling tikom naman ang AFP at US Embassy sa tunay na dahilan sa pagbisita ng Pentagon chief sa Mindanao. Sinamantala rin ng sugong Amerikano ang pagkakataong bisitahin ang US Joint Special Operation Command na nakabase sa Zamboanga.
Nang tanungin ng mga dumalong peryodista si Galido, ang tanging tugon niya – “Wala, they are here to help us in our mission especially in counter terrorism and Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) .
Aniya, bahagi lamang ng umiiral na mutual defense agreement at mekanismo ng working relationship with US forces at AFP ang pagbisita ni Austin.
Kabilang sa nakaharap ni Austin sina Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Adm Toribio Adaci.
Araw ng Martes ng tahimik na dumating sa bansa si Austin, ayon sa ibinahaging impormasyon ni US Ambassador Mary Kay Carlson.
“Honored to welcome @SecDef Austin back to the Philippines. His visit shows the United States’ ironclad commitment to our PH#FriendsPartnersAllies.”
Una ng inihayag ni Pentagon press secretary Pat Ryder na ang pagbisita ni US DOD Secretary ay upang isulong pa ang kanilang sinceridad na tumupad sa kasunduang magbibigay proteksyon sa isa’t-isa pra tiyaking malaya ang Indo-Pacific.
Si Austin ay bumisita sa Pilipinas sa gitna ng nagaganap na tensyon sa pagitan ng Beijing at Manila bunsod ng umiiral na maritime and territorial dispute sa South China Sea.
Magugunitang tahasang tinuligsa ng Pentagon ang ipinakitang asal ng China sa pinag aagawang teritoryo sa South China Sea, kung saan ang China ay may overlapping claims sa ilang bansa sa bahagi ng Asya.
MPD nakaalerto
Kaugnay nito, tiniyak ng pamunuan ng Manila Police District ang paghahanda sa anomang hakbang ng mga militanteng grupo na maaaring maglunsad ng kilos-protesta sa pagdating sa bansa ni Austin III.
Ani MPD Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon, nakaalerto na mula Station 1 hanggang Station 14 ng MPD.
Tiniyak din niyang hindi makalalapit sa US Embassy ang mga magkikilos-protesta sa bahagi ng Roxas Boulevard at sa ilang sangay ng gobyerno sa Metro Manila.
Nauna na ring inihayag ni Police Major Philipp Ines ng Public Information Office, na may kaugnayan sa EDCA ang pakikipagpulong ni Austin sa military officials ng bansa.
Bukod sa MPD, magbabantay rin ang mga tauhan ni NCRPO Director, Police Major General Jonnel Estomo. (JESSE KABEL RUIZ/RENE CRISOSTOMO)
