VAN NAHULOG SA ELEVATED PARKING LOT, 6 SUGATAN

BATANGAS – Anim na magkakapamilya ang nasugatan nang ang sinasakyang van ng mga ito ay mahulog mula sa elevated parking lot sa rooftop ng San Juan public market sa Barangay Poblacion, sa bayan ng San Juan sa lalawigang ito, noong Sabado ng tanghali.

Ayon sa report ng San Juan Police, paalis na ang mag-anak sa parking lot nang ang minamanehong Starex van ng 54-anyos na padre de pamilya na si Juan Perez, ay magkaroon ng ‘malfunction’ at nawalan ito ng kontrol.

Sumalpok muna ito sa mga metal barrier bago nalaglag at tumama sa isang nakaparadang truck sa ibaba. Patayo pa ring bumagsak ang van at nagsimulang umusok.

Agad namang nasaklolohan ng mga bystander ang anim na sakay nito kabilang ang driver at ang misis nito na si Merlie Perez, 56, ang tatlong menor de edad na mga anak ng mag-asawa, at ang 57-anyos na kapamilya nila na si Dolores Perez Arago, pawang isinugod sa ospital.

Wala namang nasaktan sa truck na nagkataong walang sakay nang mabagsakan ng van.

(NILOU DEL CARMEN)

60

Related posts

Leave a Comment