VAN SUMALPOK SA JEEP; DRIVER PATAY, 8 SUGATAN

ILOILO – Binawian ng buhay bago madala sa ospital ang driver ng isang van na sumalpok sa likuran ng nakaparadang pampasaherong jeep sa national road sa Barangay Mali-ao, sa bayan ng Pavia, sa lalawigan.

Kinilala ng Iloilo PNP ang namatay na biktimang si Rogelio Lebuna, 50- anyos, residente ng Barangay Daan Banwa, bayan ng Lambunao.

Ayon sa report ng Pavia PNP, Linggo ng gabi, tinatahak ng Nissan Urban na minamaneho ng biktima, ang Old Iloilo-Capiz Road ngunit sa hindi malamang dahilan ay bumangga ito sa likurang bahagi ng nakatigil na jeep sa gilid ng highway.

Sa lakas ng impact, naipit ang biktima sa driver seat at umabot pa ng isang oras bago tuluyang nahugot mula sa sasakyan ng nagrespondeng mga tauhan ng MDRRMO at iba pang mga emergency responder.

Isinugod ito sa ospital gayundin ang walo pang sakay ng van na nasugatan din sa aksidente, subalit idineklarang dead on arrival ang driver.

Nasa ligtas namang kalagayan ang nasugatang mga pasahero.

(NILOU DEL CARMEN)

55

Related posts

Leave a Comment