VAN SUMALPOK SA TRUCK 2 PATAY, 4 SUGATAN

BATANGAS – Dalawa ang patay habang apat ang sugatan matapos na sumalpok ang isang van sa hulihang bahagi ng isang truck sa national highway sa Barangay Tulo, sa bayan ng Taal sa lalawigang ito, noong Linggo ng umaga.

Batay sa report ng Taal Police, nakahinto ang truck sa gitna ng highway habang naghihintay ng pagkakataon na makaliko pakaliwa nang sumalpok dito ang van na sinasakyan ng magkakapamilyang biktima dakong alas-7:00 ng umaga.

Sa lakas ng pagkasalpok, nawasak ang unahang bahagi ng van at napinsala sa iba’t ibang bahagi ng ulo at katawan ang mga biktima.

Isinugod sa ospital ng nagrespondeng mga tauhan ng MDRRMO ng katabing bayan na Lemery, ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival ang dalawa.

Kinilala ng Taal Police ang mga namatay na ang 46 anyos na si Elmer Malabanan na siyang nagmamaneho ng van, at ang isa sa mga pasahero na si Abelina Malabanan, 68-anyos.

Samantala, sugatan naman sina Marcelo Malabanan, 71; Eldrey Malabanan, 18, estudyante; Eldirose Malabanan, 40, at isang 7-anyos na batang lalaki.

Nakuhanan ng CCTV ang insidente at nakita na mabilis ang takbo ng van kaya hindi ito nakaiwas sa truck.

Nasa kustodiya ng Taal Police ang driver ng truck at inaalam kung may pananagutan ito sa pangyayari. (NILOU DEL CARMEN)

21

Related posts

Leave a Comment