VLOGGERS NEXT TARGET NG QUAD COMM

(BERNARD TAGUINOD)

SUMULAT ang chairman ng Quad Committee sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga umano’y bayarang vloggers na nagpapakalat ng kasinungalingan para siraan ang komite na nag-iimbestiga sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), Illegal Drug Trades at Extrajudicial Killings (EJK).

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, bagama’t bahagi ng demokrasya ang kritisismo na ibinabato sa Quad Comm, hindi na umano dapat pang palagpasin ang ginawa ng mga vloggers na binabaligtad ang katotohanan, nagtatahi ng kasinungalingan na ikinakalat ng mga ito sa Youtube, Tiktok, Facebook at iba pang social media platforms.

Sa sulat Barbers kay NBI Director Atty. Jaime Santiago, hiniling nito na imbestigahan at kilalanin ang mga vloggers o grupo na responsible umano sa pagkakalat ng fake news na ang tanging misyon ay siraan ang reputasyon ng Quad Comm.

“Very obvious na well-organized at bayaran ang mga vloggers na ito na gustong sirain ang pangalan ko, ng kapatid ko, at mga Quadcom members. Sabi nila, ito yung mga bayarang grupo ng tagapagkalat ng kasinungalingan. Siguro nasasaktan na ang kanilang mga employers na POGO operators at drug lords dahil sa patuloy na Quadcom investigations,” ani Barbers.

Unang kumalat sa social media na si Barbers at kapatid nitong si Surigao del Norte Rep. Lyndon Barbers ay nahulihan umano ng kontrabando sa sasakyan sa nasabing lalawigan na mariin nilang pinabulaanan.

Isinumite na umano ni Barbers sa NBI ang mga malisyosong vlogs at kung sino ang unang nagpakalat nito sa social media platform na pinik-up ng aniya’y Manila-based mercenary vloggers na gumagamit ng mga hindi tunay na pangalan kaya nais nito na imbestigahan at alamin ng NBI ang kanilang pagkakakilanlan para masampahan ng paglabag Cybercrime Prevention Act of 2012.

“Subject to the appreciation of your good office, these charges may include the crimes of Libel (Art. 353 RPC), Sedition (Art. 139 RPC), Conspiracy to Commit Sedition (Art. 142 of RPC).

Incriminating Innocent Person Act (Art. 363 RPC) and Intriguing Against Honor (Art. 364 RPC) – all in relation to Sec. 6 of the Cybercrime Prevention Act,” bahagi ng sulat ng mambabatas sa NBI.

20

Related posts

Leave a Comment