SUPORTADO ni Vice President Sara Duterte ang panukalang batas ng kapatid na si Davao 1st District Representative Paolo Duterte, na nire-require ang mga opisyal ng gobyerno na sumailalim sa mandatory random drug testing.
Sa isang panayam, sinabi ni VP Sara na makatutulong ang drug test para matiyak na ang mga opisyal ng pamahalaan ay nasa kanilang tamang pag-iisip.
“Yes, of course, oo. Unang-una dapat talaga mapanigurado nating lahat ‘no na nasa tamang pag-iisip ‘yung ating mga public officials, kasama na ako doon,” ayon kay VP Sara.
Nauna rito, naghain ng panukalang batas si Cong. Duterte na isasailalim sa random drug testing ang mga halal na opisyal ng gobyerno, kabilang ang Pangulo ng bansa.
Ayon sa House Bill 10744 na ipinapanukala ni Duterte, isasagawa sa mga opisyal ang nasabing pagsusuri sa pamamagitan ng hair follicle drug test kada anim na buwan.
Ipatutupad din ang boluntaryong random testing sa mga kakandidatong politiko 90 araw bago ang halalan bilang pag-amyenda sa layunin ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002.
“Public office being a public trust, public officials shall also be subject to accountability measures such as mandatory random drug testing inclined with the officials’ mandate of promoting the general welfare of the people, especially in terms of mitigating, if not totally eliminating, drug use and abuse in the community,” saad sa panukalang batas.
Kung sinoman empleyado o opisyal ng pamahalaan ang natuklasang positibo sa dangerous drug ay dapat suspendihin o alisin sa katungkulan.
Samantala, nakahanda naman si VP Sara na sumailalim sa ‘hair follicle drug test’, gaya ng naging hamon ni dating Presidential spokesman Harry Roque.
“Yes, yes. Opo. Nababasa ko na ‘yung panawagan ng mga tao. At aayusin na lang natin kung kailan ‘yun. Kasi dapat siguro doon na merong unang-una, third party na kasali doon sa testing at siguro hindi lang isa ang laboratory para sure tayo na naba-validate ‘yung results,” aniya pa rin.
“So ‘yung ganyang detalye, gusto ko maplantsa ng lahat ng nananawagan. Gawin natin ‘yung drug test,” dagdag na wika nito.
(CHRISTIAN DALE)
43