VP SARA PINASISIPA SA DEPED

IGINIIT ng isang mambabatas sa Kamara na maglagay na ng Kalihim sa Department of Education (DepEd) mula sa sektor ng edukasyon dahil lalo umanong lumala ang kalidad ng edukasyon sa bansa base sa pinakahuling resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA).

“Sa resultang ito ng PISA, mukhang mas mainam na maglagay na talaga ng kalihim ng DepEd na galing mismo sa sektor ng edukasyon at alam ang dapat gawin sa kagawaran upang tunay na matuto ang mga mag-aaral. Mahirap na parang may part-time na kalihim lang sa DepEd at mas inaatupag pa ang pagmamanman sa mga guro at estudyante at maging hadlang sa makatarungang kapayapaan,” ani ACT party-list Rep. France Castro.

Ang DepEd ay kasalukuyang pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte na hinamon din ni Liberal Party (LP) Spokesperson Leila de Lima na magbitiw sa Gabinete matapos kontrahin ang Pangulo sa peace talks sa mga rebeldeng grupo.

Ayon kay Castro, walang pinagbago ang performance ng mga estudyante sa Pilipinas sa reading, mathematics at science sa pag-aaral ng PISA noong 2018 at pinakakulelat aniya sa 79 bansa na sumali sa assessment.

Nangangahulugan lamang aniya ito na hindi epektibo ang DepEd sa pamumuno ni Duterte para resolbahin ang krisis sa edukasyon.

“The PISA results also show that the militaristic and ‘do as I say without questions asked-style’ in the DepEd now is detrimental to the learning of students. That allocating funds to surveil students and teachers is wrong since it deprives funds to hire more teachers or build more classrooms,” ani Castro.

Kailangan din aniyang baguhin ang sistema ng pagtuturo dahil sa ngayon ay ingles ang medium of instructions imbes na sariling wika upang maintindihan ng mga estudyante ang itinuro sa kanila ng mga guro.

(BERNARD TAGUINOD)

207

Related posts

Leave a Comment