WALANG HELMET, HULI SA MARIJUANA

CASTILLEJOS, Zambales –  Bagsak sa selda ang isang lalaki matapos  mahulihan ng marijuana sa PNP checkpoint sa naturang bayan noong Miyerkoles ng gabi, Disyembre 28.

Kinilala ang suspek na si Jonnmer Amba y Flores, 29, residente ng Barangay Ilwas sa karatig-bayang Subic.

Batay sa salaysay mula sa Castillejos Municipal Police Station, nangyari ang insidente ng pag-aresto dakong alas-7:55 ng gabi matapos sitahin ng mga pulis sa checkpoint ang suspek na sakay ng itim na Mio motorcycle dahil walang suot na helmet.

Subalit habang kinikwestyon ng mga pulis ay biglang may nabitiwang ‘glass pipe’ ang suspek.

Dahil sa pangyayari, agad hiniling ng mga pulis na buksan nito ang compartment ng motor at tumambad ang isang canister na naglalaman ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana.

Umabot sa 94.24 gramo ang nakumpiskang ilegal na droga na nagkakahalaga ng P11,308.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 11 sa ilalim ng Artikulo 2 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (JAY-CZAR LA TORRE)

31

Related posts

Leave a Comment