‘WALK OF FAITH’ MAPAYAPANG NAIRAOS

MAPAYAPANG nairaos ang “Walk of Faith” ng mga deboto at mananampalataya ng Itim na Nazareno na nagsimula ng bandang alas-1:35 ng madaling araw sa Quirino Grandstand sa Luneta hanggang sa simbahan ng Quiapo, Manila nitong Linggo, bisperas ng pagdiriwang.

Labing-siyam na mga kalsada ang pansamantalang isinara para sa daraanan ng imahe ng Mahal na Hesus Nazareno.

Ayon sa ulat ni Police Major Philipp Ines ng Public Information Office ng Manila Police District, umabot sa 247,000 miyembro ng Philippine National Police, tulad ng mga tauhan ng MPD, Northern Police District, Eastern Police District, Southern Police District, at Quezon City Police District, ang naka-deploy sa iba’t ibang bahagi ng lugar, upang makasiguro ang pulisya na tahimik at payapa ang ‘Walk of Faith’.

Si Police Major Christian Dee DG Cacho, vice president ng Multi – Agency Coordinating Center, ang nag-uulat ng mga kaganapan.

Bago ang “Walk of Faith”, nagsagawa muna ng briefing ang ‘MACC’ sa MPD Rizal Hall, upang planuhin ang hakbang ng seguridad.

Sa labas ng simbahan ng Quiapo, nasa 18 tauhan ng Red Cross ang nakaantabay kasama ng 200 hijos.

Umabot sa 116 pulis ang naka-deploy sa Quiapo, 36 naman sa Quirino at nasa 29 mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang nakaposte sa paligid ng Grandstand.

Labinwalong mga tauhan  ng Department of Health, 160 tauhan ng MDRRO, at 23 tauhan ng Bureau of Fire Protection ang kabilang din sa nag-antabay sa pagdiriwang.

Sa report ng MACC, mula alas-5:00 ng hapon noong Sabado nang magsimula ang misa sa Grandstand hanggang 11:00 ng gabi.

Dakong 12:00 ng hatinggabi, nang magsimula muli ng misa at ala-1:30 ng madaling araw nang isagawa ang ‘Walk of Faith’ at mapayapang nagtapos dakong alas-3:46 ng madaling araw, hanggang sa umabot ng umaga.

Naniniwala si MPD Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon na tagumpay ang isinagawang plano sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno. (RENE CRISOSTOMO)

21

Related posts

Leave a Comment