NA-INTERCEPT ng Immigration officers na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang isang Belarus national na wanted ng mga awtoridad sa kasong rape with sexual assault na isinampa ng kanyang naging biktima sa lalawigan ng Cavite.
Kinilala ang suspek na si Aliaksei Rudakou, 31-anyos, nadakip noong Enero 5 makaraang bumaba mula sa Emirates Flight galing Dubai.
Batay sa impormasyon, si Rudakou ay gumagamit ng alyas na Ali at Aliak, at naninirahan sa isang condominium unit sa Quezon City.
Nakarating sa kaalaman ng Bureau of Immigration na ang suspek ay mayroong nakabinbing warrant of arrest na inisyu ng Bacoor City Regional Trial Court noong Nobyembre 22, 2022, dahil sa kasong rape with sexual assault case.
Nakita rin sa talaan ng BI na si Rudakou ay may alert list order mula sa BI Board of Commissioners noong Disyembre 15, 2022, kung saan ipinag-utos sa mga tauhan ng Immigration na i-turn-over agad ito sa law enforcement kapag nahuli sa airport. (FROILAN MORALLOS)
