(BERNARD TAGUINOD)
MAY hindi pagkakaunawaan sa mga lokal na kandidato ng mga partidong kabilang sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas (ABP) na binuo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa 2025 midterm election.
Ito ang lumalabas matapos aminin ni ABP spokesman at Navotas Rep. Toby Tiangco na kaya siya nag-file agad ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) para sa kanyang reelection bid ay upang maharap ang problema sa local candidates.
“Hindi pa. Kaya nga ako nag-file nang maaga kasi hanggang kagabi meron pa kaming inaayos (problema),” ani Tiangco nang tanungin kung naayos na ang problema sa local candidates ng alyansa.
Ang ABP ay binubuo ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Lakas–CMD, National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC) at Nacionalista Party (NP) kung saan bawat partido ay may kandidato sa senatorial line-up.
Gayunpaman, mistulang nagkakagulo sa local candidates dahil may mga kandidato sa mga nabanggit na partido ang gustong tumakbo sa iisang posisyon.
Karaniwang napagkakasunduan sa isang political alliances na kung sino ang incumbent at reelectionist sa isang posisyon ay hindi na pwedeng kalabanin ng isang kandidato mula sa kaalyadong partido.
“Kasi ideally kung part ng alyansa, sana hindi maglaban-laban no. Ang dami pa (problema) kaya nag-file na ako agad para tapos na,” ayon pa kay Tiangco.
31