Alyansa sa 6 malalaking partido sinelyuhan MAGPINSANG BBM AT MARTIN SIGURISTA

(BERNARD TAGUINOD)

TILA paniniguro sa posisyon ng magpinsang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez ang nabuong kasunduan ng Lakas-CMD sa anim na malalaking partido pulitikal sa bansa.

Sa paniwala ng mga political observer sa mababang kapulungan ng Kongreso, pangontra sa kudeta ang naturang Alliance Agreement.

Sa dokumentong nilagdaan ng Nationalist Peoples Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), PDP-Laban, National Unity Party (NUP), Partylist Coalition Foundation Inc (PCFI) at Partido

Novoteño at Centrist Democratic Party of the Philippines (CDC), hindi lamang kay Romualdez susuporta ang mga ito hanggang sa 2025 kundi maging kay Pangulong Marcos Jr.

“Both parties agree to give their full and unqualified support to the 17th President of the Republic of the Philippines, Ferdinand R. Marcos Jr.,” nakasaad sa Alliance of Agreement.

Nagkasundo rin ang mga partido na si Romualdez ang magiging lider nila hanggang matapos ang 19th Congress sa Hunyo 2025.

Una nang naglabas ng statement of support ang mga nabanggit na partido kay Romualdez nang sibakin bilang Senior Deputy Speaker si Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Dahil dito, umugong ang umano’y plano ni Arroyo na agawin kay Romualdez ang Speakership tulad ng ginawa nito kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez noong 2018.

Gayunpaman, mariing itinanggi ni Arroyo ang alegasyon subalit hindi mamatay-matay ang nasabing isyu na lalong lumala nang kumalat ang impormasyon na may basbas umano si First Lady Liza Araneta Marcos ang kudeta sa Kamara.

Noong Linggo ay pinabulaanan ni Arroyo ang nasabing isyu at nilinaw na hindi magtatagumpay ang kudeta sa Kamara kung walang basbas ang Pangulo ng bansa.

Subalit, ayon sa mga political observer sa Kamara na hindi na nagpabanggit ng pangalan, ang Alliance Agreement ng Lakas-CMD ay lalong nagpapatunay na may pagkilos laban kay Romualdez.

“May threat talaga ‘yan, Hindi ‘yan gagawin ng mga political parties kung wala,” pahayag ng isang mambabatas.

458

Related posts

Leave a Comment