ANTI-DRUG CAMPAIGN NI PBBM NAKATUON SA REHABILITASYON

(CHRISTIAN DALE)

MAY bagong pamamaraan ang administrasyon pagdating sa pagharap sa malaganap na narcotics trade.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ito ay ang ituon ang pansin sa “treatment at rehabilitation” ng drug users.

“The war on drugs will continue but we have to do it in a different way,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang exclusive interview kasama ang TV host na si Toni Gonzaga na umere sa AllTV Channel nitong Martes.

Sinabi ng Pangulo na hindi niya talaga binanggit sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ang usaping ito dahil ito’y isang “internal matter.”

Bukod pa aniya sa mayroon nang “working group” na inatasan para bumalangkas ng bagong polisiya laban sa paglaganap ng illegal drug trade sa bansa.

“They knew about the war on drugs. We are looking more in the upstream, upstream of the problem, the prevention,” ayon kay Pangulong Marcos sabay sabing “So, all of that. And those who are already involved o naadik na, we should treat them. We’re trying to… In fact, right now, we are trying to formulate how, what is the latest and what’s the best way for rehabilitation.”

Nauna nang sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na susunod ang administrasyong Marcos sa rule of law habang pinapanatili ang pakikipaglaban sa ilegal na droga.

Ipinagkatiwala naman ni Pangulong Marcos kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang pagpapalabas ng polisiya na makapagbibigay katiyakan na ang anti-narcotics campaign ay alinsunod sa batas.

Matatandaang, ipinag-utos ni Azurin ang pag-audit sa drug situation sa bansa, nakatuon sa mga lugar kung saan prominente o kilala ang mga drug personalities na napatay.

Hangad din ni Azurin ang sanib-puwersa ng PNP at iba pang ahensiya ng gobyerno upang siguruhin na ang drug supply chain sa bansa ay mababawasan kung hindi man tuluyang mapuputol.

Nangako naman si Azurin na isusulong ang ugnayan sa barangay officials para sa “treatment and rehabilitation” ng mga tinaguriang durugista.

87

Related posts

Leave a Comment