NANAWAGAN ang kampo ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., nitong Biyernes na manatiling kalmado at iwasan ang anumang pakikipagtalo sa ilang hanay na may kakaibang pananaw pampulitika, lalo’t nalalapit na ang inaabangang May 9 elections.
Sa opisyal na pahayag, sinabi ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at spokesman ni Marcos, na mahalagang mapanatili ang ‘mutual respect’ sa bawat isa.
Ang pahayag ni Rodriguez ay inilabas matapos ang nangyaring komprontasyon ng Marcos supporters sa mga tagasuporta ng ilang katunggali sa isang mall sa Makati City.
Nauna nang sinabi ni Marcos, na sila ng running-mate na si Inday Sara Duterte ay hindi kailanman magsusulong ng negatibong pangangampanya, isang polisiyang hanggang sa kasalukuyan ay pinananatili nila at pinaninindigan.
Ayon kay Rodriguez, wala ring dahilan upang makipag-argumento pa ang kanilang mga tagasuporta dahil tiyak naman ang ‘landslide victory’ ni BBM sa halalan sa susunod na linggo.
“We urge our supporters to stay calm and just enjoy their precious time while with their loved ones and friends, and conserve their energy as we wait for May 9 when our collective voices will be heard, as we will all go out and vote,” ani Rodriguez.
Sa nakalipas na Laylo Research pre-election survey, si Marcos ay nakakuha ng preference votes na 64%, isang indikasyon na lalamangan nito ng malayo ang mga katunggali sa pampanguluhan.
Ang 43% na agwat at lamang ni Marcos sa mga kalaban ay mahirap nang abutan sa nalalabing siyam na araw, ayon sa mga ‘non-biased political observers.’
Sakaling hindi magkaroon ng anumang aberya, natitiyak na ang panalo ng tambalang Marcos-Duterte sa Mayo 9.
At kung mangyari ito, makapagtatala si Marcos ng kasaysayan na kauna-unahang majority president sa ilalim ng ‘multi-party political system’ ng bansa.
179