Black Friday protest kasado MANGGAGAWA NGANGA KAY MARCOS JR.

MALABONG makatanggap ng magandang balita sa Labor Day ang mga manggagawa dahil imbes harapin ay mistulang iniiwasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sagutin ang kanilang panawagang taas-sahod, sa halip ay bibiyahe ito patungong Amerika.

Dahil dito, sanib puwersa ang mga manggagawa at magsasaka para ilunsad ang Black Friday Protest ngayong araw habang nasa bansa pa si Marcos Jr. upang igiit na itaas ang sahod at ibaba ang presyo ng mga pangunahing pagkain.

Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairman Danilo Ramos, isasagawa ang Black Friday Protest ngayong araw sa Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan ni Marcos.

Patikim pa lamang ito sa mas malaking pagkilos umano sa Araw ng Paggawa sa Mayo Uno para igiit ang mataas na sahod ng mga manggagawa sa buong bansa na imbes harapin ni Marcos ay aalis ito para makipagpulong kay US President Joe Biden.

“It is appalling that Marcos Jr. chose to be with his “real boss” and “employer” on Labor Day. Instead of hearing out the plea of tens of thousands of workers who will march to Mendiola on May 1, Marcos Jr. will visit US President Joe Biden and pledge unwavering allegiance to the U.S.,” ani Ramos.

Magsisimula ang State Visit ni Marcos sa Amerika sa Abril 30 hanggang May 4.

Ayon kay Ramos, kung gugustuhin ni Marcos ay maaaring ipasa ang panukalang batas sa Kongreso para sa legislative wage hike upang magkaroon ng pantay-pantay na pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa buong bansa.

Kabilang na rito ang panukala ng Makabayan bloc na P750 across the board wage hike at P130 na hinihinging umento sa mga manggagawa sa buong bansa na inakda ni TUCP party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza. (BERNARD TAGUINOD)

168

Related posts

Leave a Comment