BOTO NI BBM BABANTAYAN NG MGA MANILENYO

IPINAKITA ng Manileños ang kanilang solidong suporta sa UniTeam nitong Sabado matapos na libo-libong residente ang nagtungo sa Bustillos, Sampaloc, Manila upang makinig sa mensaheng dala ni Partido Federal ng Pilipinas standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at kanyang running mate na si Mayor Inday Sara Duterte.

Ayon kay Manila mayoralty candidate Alex Lopez, sigurado na ang pagkapanalo ni Marcos na tiyak na gagawin ang lahat para sa bansa.

“Si BBM ang panalo na. Mabuhay ang ating susunod na presidente. At sa Mayo 9 aanihin natin ang ipinunla ng ating mga ninuno…Ibibigay ni BBM ang kanyang tapang, ang kanyang talino, ang kanyang malasakit, ang kanyang puso para sa Pilipinas. Para tayo ay bumangon muli. Sama-sama tayong babangon muli kay BBM at Inday Sara. Sama-sama tayo patungo sa maunlad at mapayapang bansa. Mga kababayan, narito na po ang susunod na presidente ng Republika ng Pilipinas, Senador Bongbong Marcos,” sabi ni Lopez.

Binigyang-diin ni Lopez na ang siyudad ng Maynila, na lubos na nahirapan din dahil sa pandemya, ay tiyak na makakabangon muli sa pamumuno ng UniTeam dahil sa sinusulong nilang pagkakaisa at pagmamahal sa bansa.

“Tayo po rito ay nagkaisa sa iisang layunin, ang iahon ang bawat isa sa kahirapan at bumangon muli para ipakita natin sa buong mundo ang pagmamahal natin sa ating bansa. Ramdam ko ang inyong paghihirap kaya tayo po, sa pamumuno ni BBM at Sara ay aahon sa hirap at uunlad po,” dagdag pa niya.

Hiyawan at sigawan ang mga taga-suporta ng UniTeam matapos nilang mapuno ang kahabaan ng Earnshaw Street sa Bustillos, Sampaloc hanggang Lacson Avenue at H. Loyola Street.

Sinigurado naman nina Marcos at Duterte sa kanilang taga-suporta na tutukan nila ang muling pagkakaroon ng trabaho sa bansa lalo na ang mga nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya at masigurong may makakain sila sa araw-araw.

“May tatlong bagay na sinasabi naming kailangang tutukan ng gobyerno. Una ang mga trabaho at negosyo na nawala dahil sa pandemic. Dahil may bakuna na, may mask na, may Molnupiravir na, dapat hindi na natin ila-lockdown ang mga trabaho, mga negosyo, at mga komunidad….Kailangang tutukan ng gobyerno ang pera sa bulsa at pagkain sa lamesa ng bawat pamilyang Pilipino. ‘Yan po ang sinasabi namin na sama-sama tayong babangong muli sa pandemya o sa kahirapan na dulot ng pandemya,” sabi ni Duterte.

“Gaya ng pina-alala ng aking vice president ay mag-ingat po kayo at magpa-booster shot para makabalik na kayo sa trabaho para hindi na tayo ma-lockdown. Bawal na ang lockdown dahil kawawa na masyado ang mga tao. Kawawa nang naghihirap at hindi makapasok sa trabaho. Marami po tayong kailangang gawin para maging mas maganda at mas magaan ang buhay ng pangkaraniwang mamamayang Pilipino,” ayon naman kay Marcos.

Habang nagsasalita si Marcos ay naghiyawan ang mga tao ng “Hindi kami papayag dayain ka!”

“Tama ‘yan. Huwag tayong papaloko. ‘Wag na talaga nating payagan ‘yung mga ginagawang kalokohan sa eleksyon,” sabi pa niya.

Pinaalala din ni Marcos ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga grupong nais sirain ang integridad ng darating na halalan.

“Ngunit kinakampihan po tayo ng ating Pangulo. Winawarningan nya po lahat ng mga nag-iisip na gumawa ng kalokohan sa darating na halalan, siya raw ang bahala sa inyong lahat. Kaya mag-isip-isip kayo bago niyo gawin ‘yan,” sabi pa niya.

Nanindigan ang nga tagasuporta ng UniTeam na pula ang Maynila at sisiguraduhin nilang mananalo si Marcos at Duterte, pati na rin ang kanilang mga senador.

Nang magsimula ang program, inanunsyo ng mga emcee na karamihan sa taga-suporta ay naroon na ng alas- dos ng hapon kahit alas-singko pa ang simula.

“Nasa harap tayo ng Loreto at San Antonio ( Churches), pero ang tao kala mo Pista ng Quiapo,” sabi nito.

“Grabe, hindi mahulugan ng karayom. Alas dos pa lang ng tanghali, katirikan ng araw may mga nandito na. Dahil ang Maynila ay nagkaisa na,” dagdag ng kanyang kasamang host.

126

Related posts

Leave a Comment