(BERNARD TAGUINOD)
DUDA ang isang beteranong kongresista na may basbas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Charter change (Cha-cha) dahil sa kabila ng pahayag nito na hindi niya ito prayoridad ay inarangkada pa rin ng kanyang mga kaalyado sa Kamara ang nasabing panukala.
Ngayong araw, Miyerkoles, ay tuluyang aaprubahan ng House committee on constitutional amendments ang Committee report na amyendahan ang 1987 Constitution matapos ang 7 konsultasyon.
“There must be an overwhelming furtive reason why the Cha-cha caravan is rolling fast in the House of Representatives despite President Marcos’ avowal that Charter change is not in his priority agenda,” ani Rep. Edcel Lagman.
Magugunita na sinimulan ng komite na pinamumunuan ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang konsultasyon noong Enero 26, 2023 at sa loob lamang na mahigit 3 linggo ay nakapagsagawa ang mga ito ng 7 konsultasyon – apat sa Cagayan de Oro City, Iloilo, Pampanga at Bulacan.
Ito ay sa kabila ng pahayag ni Marcos na hindi nito prayoridad ang Cha-cha dahil naniniwala ito na darating ang mga investor kahit hindi amyendahan ang Saligang batas na ipinalit sa 1973 Constitution ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
“It is not that members of the supermajority coalition have finally learned to be independent of the Executive,” ani Lagman kaya nagtataka ito kung bakit sa kabila ng pagdistansya ni Marcos sa Cha-cha ay inarangkada pa rin ito ng kanyang mga kaalyado sa Kamara.
Karaniwang nangyayari na kapag hindi sinusuportahan ng Pangulo ang isang panukala ay agad itong itinitiklop ng liderato ng Kamara subalit hindi ito nangyari sa Cha-cha.
“Perhaps, it is because the President must have given his covert assent to Cha-cha even as he appears to be distancing himself from it,” duda ni Lagman.
Unang sinabi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na “nagpapakipot” lang si Marcos sa Cha-cha dahil wala umanong ibang makikinabang kapag naamyendahan ang Saligang Batas kundi ang kanyang pamilya at mga kaalyado.
“Marcos Jr. cannot simply isolate himself from this major issue to clear his name when the public is fully aware that he, his family, and his cronies will ultimately benefit from term extension and opening our economy to foreign investors,” pahayag ni Brosas kamakailan.
