Comelec hindi nagpatinag HULING HIRIT SA DINISMIS NA DQ VS BBM, BINASURA

TULUYAN nang tinuldukan ng Commission on Elections (Comelec) ang inihaing apela ng isang petitioner kaugnay ng isang hiling na ideklara nuisance candidate si Presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Sa resolusyong inilabas ng poll body, ibinasura ng Comelec en banc ang motion for reconsideration na inihain ng isang Danilo Lihayhay dahil sa kabiguan nitong makapaglahad ng bagong ebidensya at argumentong kalakip ng isinumiteng apela sa kasong una nang napagpasyahan ng komisyon noong Disyembre ng nakalipas na taon.

“WHEREFORE, in view of the foregoing, the Commission (en banc) DENIES Respondent’s Motion for Reconsideration dated 22 December 2021 and AFFIRMS the Resolution of the Commission (Second Division) promulgated on 16 December 2021,” saad sa huling bahagi ng naturang resolusyon.

Kabilang sa mga lumagda sa naturang Comelec resolution sina Chairman Saidamen Pangarungan, Commissioners Socorro Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino, Rey Bulay at Aimee Torrefranca-Neri.

Pinili namang mag-inhibit ni Commissioner George Garcia sa kaso bilang pagtupad sa pangakong hindi makikibahagi sa anumang usapin ng komisyon kaugnay ni Marcos na aniya’y kanyang dating kliyente bilang isang election lawyer. (FERNAN ANGELES)

Related posts

Leave a Comment