FOOD, SHELTER SA QUAKE VICTIMS TINIYAK NI PBBM

(CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL)

MAY sapat na pagkain at masisilungan ang survivors ng lindol sa Abra.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naka-monitor siya sa sitwasyon sa nasabing lugar.

“We do not have a critical problem when it comes to food and shelter. That is the most important part of the relief that we have to provide now for the people affected by the earthquake last night,”

ayon kay Pangulong Marcos sa isang panayam matapos nitong dumalo sa National Information and Communications Technology Summit 2022 sa Manila Hotel.

Tinukoy ng Pangulo na may mga pamilyang humihiling ng tents dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan bunsod ng aftershocks matapos ang magnitude 6.7 na pagyanig.

Naibalik naman ang suplay ng kuryente sa Ilocos Norte at Ilocos Sur makalipas ang malakas na pagyanig, ayon sa Pangulo.

“I think parts, the last I heard, the last parts of the – of Abra province have already have power restored,” anito.

26 Sugatan

Sa inisyal na ulat mula sa Ilocos Norte Provincial Police Office, nakapagtala sila ng 26 sugatan sa lalawigan sanhi ng lindol, Martes ng gabi na ang sentro ay ang katabing lalawigan ng Abra.

Sa ulat sa Kampo Crame, pinakamarami ang sugatan sa bayan ng Marcos na nakapagtala ng 13; walo naman ang sugatan sa Dingras, tatlo sa Batac, isa sa San Nicholas, at isa rin sa Laoag.

Agad ding dineploy ang 150 search and rescue teams mula sa iba’t ibang istasyon sa lalawigan para sa search and rescue operations.

Naka-full alert ngayon ang Ilocos Norte PPO habang patuloy ang inspeksyon sa mga napinsalang pasilidad ng Philippine National Police (PNP) sa lalawigan.

Suspendido

Kaugnay nito, kinansela ni Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc ang klase sa pampubliko at pribadong mga paaralan sa lahat ng antas sa lalawigan.

Kasamang sinuspinde ang trabaho sa mga opisina ng gobyerno para mabigyan ng pagkakataon na magsagawa ng damage assessment sa mga posibleng naapektuhan ng lindol.

Hinikayat din ng gobernador ang mga namumuno sa mga pribadong kumpanya na sundin ang mga kaukulang precautionary measures para matiyak ang kaligtasan ng mga empleyado.

Dakong 10:59, Martes ng gabi nang maramdaman ang magnitude 5.8 na lindol sa Tineg, Abra.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS-DOST), may lalim itong 28 kilometers. Naramdaman ang intensity 5 sa Sinait, Ilocos Sur at Intensity 4 sa lungsod ng Baguio.

23

Related posts

Leave a Comment