GABINETE NI PBBM ‘SHAKY’ PA RIN – SOLON

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI pa masasabing matatag ang pamunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., halos walong buwan matapos siyang pormal na maupo sa pwesto.

Bagama’t walang direktang impormasyon ang mga militanteng mambabatas na nakikialam si First Lady Liza Araneta-Marcos sa appointment ng tao sa gobyerno, naghihinala pa rin ang mga ito na may kinalaman ang maybahay ng Pangulo kaya hindi mabuo-buo ang gabinete nito.

“Bagama’t wala tayong first hand information pero lumilitaw na hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang girian tungkol sa appointed position,” pahayag ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel sa press conference noong Huwebes.

Maging si ACT party-list Rep. France Castro ay nagsabi na wala silang impormasyon ukol sa mga kumakalat na nakikialam ang Unang Ginang kung sino ang dapat ipuwesto sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno ng kanyang mister. Hindi aniya masisisi ang mga tao na maghinala dahil sa napaulat na girian nila ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez.

“Wala tayong impormasyon kaugnay sa pakikialam sa appointment ng First Lady sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno. Tingnan na lang natin…umpisa pa lang parang mukhang nagkaroon ng girian na kay Atty. Rodriguez. Meron din naman nagsasabi sa girian nila ni Atty. Rodriguez kaugnay sa pagpoposition o pagbibigay ng mga Cabinet position,” saad pa ng mambabatas.

Para kay Manuel, kung walang girian sa appointment ay matagal na sanang nabuo ang Gabinete ni Marcos.

“Grabe naman, Natapos na ang January, February na. Ilang buwan na, more than half a year na ang Marcos Junior administration pero hanggang ngayon eh parang shaky pa rin ang kanyang Cabinet,” ani Manuel.

Wala pa rin aniyang hiwalay na kalihim sa Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH).

“Baka naman… ang lala na ang nararanasan ng mga kababayan natin, ang taas na ng presyo ng mga bilihin. Kailangan na ang mabilis na serbisyo pero hindi pa rin united, wala pa ring unity kahit mismo sa Cabinet ng administration,” dagdag pa ni Manuel.

44

Related posts

Leave a Comment