GALIT NG PINOY WORKERS KAY BBM ILALABAS SA SONA

(BERNARD TAGUINOD)

ILALABAS ng mga manggagawa ang ngitngit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ngayong Hulyo 22.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, maniningil ang Pinoy workers matapos bigyan lang ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR) ng P35 umento ang mga manggagawa sa nasabing rehiyon.

“Sa nalalapit na State of the Nation Address, asahan ng Pangulo na sasabayan ito ng mga manggagawa ng isang malawak na protesta para ipanawagan ang nakabubuhay na sahod sa kabila ng tumitinding krisis sa ating bansa,” ani Brosas.

Sinabi ng mambabatas na hindi katanggap-tanggap ang desisyon ng nasabing regional board at mistulang hampaslupa ang tingin ng gobyerno sa mga manggagawa na siyang tunay na bumubuhay sa mga negosyo sa bansa.

Kapag pormal na naipatupad ang P35  umento, magiging P645 na ang minimum wage sa NCR na malayong-malayo aniya sa P1,200 na living wage o kailangang kitain ng isang pamilya na may limang miyembro para magkaroon ng maayos na pamumuhay.

Insulto Sa Manggagawa

Kapos at maituturing na insulto sa mga manggagawa ang dagdag na P35 sa daily minimum wage increase sa Metro Manila sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga presyo ng pangunahing bilihin kasama na ang bigas at iba pang pangangailangan.

Ito ang iginiit ni dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Matatandaang isinusulong ni Zubiri ang legislated P100 daily minimum wage increase sa pribadong sektor at iginiit na dapat mag-apruba ang wage boards ng mas mataas pang halaga ng increase hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Iginiit ng senador na dapat ay sinundan na ng wage boards ang mga naging pagdinig sa Senado kung saan malinaw na kinakailangan ang P100 increase.

Napakaliit anya ng P35 para makatulong sa isang araw ng manggagawa na hindi makakabili ng kahit isang kilong bigas lalo pa’t tumaas pa ang inflation nitong Mayo sa 3.9 percent kumpara sa mga nakalipas na buwan.

Iginiit naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na napapanahon at sadyang kinakailangan ang dagdag na sahod subalit umaasa siyang may itataas pa ang umento.

Para kay Estrada, mas makabubuti kung maisasabatas ang inaprubahan nilang Senate Bill 2534 o ang panukala para sa P100 wage increase sa pribadong sektor.

Tanong naman ni Senate President Francis Chiz Escudero ay kung bakit palagi na lamang kulang ang ibinibigay na umento ng regional wage boards.

“Maliwanag na kulang at malayo na matugunan ang tunay na mga pangangailangan ng ating mga kababayan sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin,” diin ni Escudero.

“Bakit nga ba palaging kulang ang binibigay ng umento ng RTWPB?! Ni minsan ay hindi pa sila tumama mula nang nilikha ang ahensyang yan… saan ba sila bumibili ng bigas? Nag-grocery?

Nag-palengke? Pa-share naman kamo kasi baka sobrang mura dun at kasya ang dagdag na P35 sa sahod na binigay nila,” diin pa ng senate leader.

Hindi rin pabor sa karampot na wage hike ang Trade Union Congress of the  Philippines (TUCP), .

Sa panayam ng media, sinabi ni TUCP legislative officer Paul Gajes na ang P35 minimum wage hike ay mga mumo lamang na itinatapon para ipahiya ang mga manggagawa.

“Crumbs lang po ito. Barya-barya at mumo para ipahiya ang mga manggagawa. Kaya sinabi namin ‘yan, tignan niyo naman po, sadyang kulang na kulang talaga sa pang-araw-araw na gastusin ng ating  manggagawang Pilipino,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, ipinagtanggol ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang P35 hike na ipinunto na para lamang ito sa entry level positions at hindi dapat umasa lamang ang mga manggagawa sa minimum wage para sa lahat ng kanilang pangangailangan.

Sinabi ni Gajes na patuloy na isinusulong ng TUCP ang P150 na legislated wage hike, na inaprubahan na sa Senado at nakabinbin pa rin sa House of Representatives’ Committee of Labor and Employment. (May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA, PAOLO SANTOS)

51

Related posts

Leave a Comment