Hamon kay Pres. Marcos POGO I-BAN NOW NA!

NAIINIP na ang isang militanteng mambabatas kung kailan palalayasin sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nagdudulot lamang ng perwisyo sa halip na benepisyo.

Kaya naman hinamon ni House deputy minority leader France Castro si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipag-utos na ang pag-ban sa POGO.

“There are security concerns raised against POGOs that are still very much valid because these hubs can be used for the expansionist military and political purposes of a foreign country, like China,” ani Castro.

Ipinaalala ng mambabatas na noong nakaraang taon, nakakumpiska ang mga pulis ng iba’t ibang klase ng armas mula sa mga Chinese nang salakayin ng mga ito ang isang illegal POGO bukod sa 400 cellphones, 17 desktop computers, 36 laptops, 9 modems at P1.3 million cash.

“With these bulk of evidence, its either this group is part of a criminal syndicate in China or part of covert operations to subvert our laws and sovereignty,” dagdag pa ni Castro.

Maging ang mga senador ay nababahala umano dahil sa pangambang ginagamit ng People’s Liberation Army (PLA) ng China ang mga POGO para sa kanilang undercover operations dahil sa pagkakahuli ng dalawang Chinese national noong Marso 2021 na may PLA Identification cards.

“Another compelling reason for the banning of POGOs is that we have received numerous complaints and apprehensions from residents near POGOs expressing their strong opposition to the gaming operations not only because of the social ills that these also promote like prostitution, gambling and others,” dagdag pa ng mambabatas.

Ekonomiya
hindi babagsak

Naniniwala naman si Senador Sherwin Gatchalian na hindi babagsak ang ekonomiya ng Pilipinas kung ipatupad ang pag-ban sa mga POGO sa bansa.

Kumpiyansa rin si Gatchalian na kayang mabigyan ng trabaho sa ibang industriya ang nasa 16,000 Pilipinong nagtatrabaho sa POGO.

Maging ang sinasabing epekto ng pagkawala ng POGO sa real estate industry ay hindi rin ikinababahala ng Senate ways and means committee Chairman.

Katunayan, mas makabubuti pa nga aniya ito dahil mawawala na ang bubble na idinulot ng POGO sa presyo ng real estate sa bansa at magiging abot kaya na ito ng mga lokal na negosyante.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na nang maglipana ang mga POGO ay biglang nagtaasan ang renta sa mga condominium at mga opisina.

Target ng komite na mailabas ngayong linggo ang report tungkol sa mga ginawa nilang pagdinig sa economic impact ng POGO.

Tiniyak din ni Gatchalian na may koordinasyon sila ni Senate committee on public order Chairman Ronald ‘Bato’ dela Rosa para sa magiging rekomendasyon kung tuluyan nang ipagbabawal ang POGO sa bansa.

Samantala, nakiusap din si Senador Alan Peter Cayetano sa gobyerno na palayasin na ang lahat ng POGO sa bansa dahil mas mabigat ang negatibong epekto nito sa lipunan kumpara sa benepisyo sa ekonomiya.

“We must put a stop to POGOs because ‘yang industry na ‘yan has become a breeding ground for illegal activities such as money laundering, and there have been multiple reports of kidnapping and even murder of those working in the industry,” sinabi ni Cayetano noong January 23, 2023.

“In fact, rather than benefiting the economy, the presence of POGOs has harmed the reputation of our country in the international community,” dagdag pa niya.

Sa isang pahayag, inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring mawalan ng saysay ang kinikita ng gobyerno mula sa mga POGO kung lalala lang ang masamang dulot nito sa lipunan, kaya patuloy na pinag-aaralan ng administrasyon kung ikabubuti o ikasasama ang patuloy na pag-iral ng POGO sa Pilipinas.

Noong September 2022, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na maaari nang bitiwan ng bansa ang mga POGO dahil hindi rin naman ganoon kalaki ang kinikita ng gobyerno sa mga ito.

Kasabay nito, tumataas ang aniya’y “reputational risks” o pagkasira ng imahe ng bansa dahil sa mga POGO, sa harap ng total ban na idineklara ng China at Cambodia sa offshore gaming operations.

Sa huling bahagi ng 2022, kasabay ng paglabas ng mga ulat ng kidnapping at karahasan sa ilang Chinese nationals at Pilipino na nagtatrabaho sa POGO, hinimok ni Cayetano ang gobyerno na maging mas “decisive” tungkol sa pagpayag o pagbawal sa pasugalan na ito. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA/ESTONG REYES)

24

Related posts

Leave a Comment