IBINIDA NI BBM SA SONA WASAK SA BAGYONG EGAY

WINASAK ng Super Bagyong Egay ang ibinida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na naibaba nito ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ginawa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pahayag matapos magbabala ang mga ito na inaasahang tataas ang presyo ng bigas, gulay, poultry products at iba pang uri ng pagkain dahil sa epekto ng bagyo, hindi lamang sa Central at Northern Luzon kundi sa iba’t ibang dako ng bansa.

“Mabilis na makakalimutan ang mga sinabi sa SONA ng Pangulo dahil ilang araw lang makalipas, nadelubyo na ang bansa ng Super Typhoon Egay. Mas lalong tataas ang presyo ng pagkain at mga bilihin dahil sa epekto ng super bagyo,” ani Ronnie Manalo, secretary general ng KMP.

Base sa initial assessment ng Department of Agriculture Disaster Risk, Reduction and Management Operations Center, umaabot sa 2,009 ektaryang palayan at 1,176 ektaryang maisan ang naapektuhan matapos manalasa ang bagyong Egay sa Abra, Cagayan, Isabela, Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union, Pangasinan at iba pang lugar sa Central at Southern Luzon provinces.

Kasabay n ito, sinabihan ng grupo si Marcos na huwag umalis ng bansa kapag alam nitong may paparating na bagyo upang personal nitong maasikaso ang problema.

Magugunita na nasa Malaysia para sa kanyang tatlong araw na state visit si Marcos habang binabayo ng bagyong Egay ang Northern Luzon kasama ang kanyang lalawigan sa Ilocos Norte.

“Hindi sapat na nakamonitor lang sa sitwasyon ang Pangulo, dapat nandito siya kapag kailangan siya ng ating mga kababayan,” ani Manalo.

Noong nakaraang taon, nasa Singapore si Marcos para manood ng Grand Prix habang nananalasa ang bagyong Karding. (BERNARD TAGUINOD)

132

Related posts

Leave a Comment