Imbes kunin sa kanilang yaman base sa bilin ng ama KABAN NG BAYAN PIPIGAIN NI BBM SA MAHARLIKA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

SA orihinal na konsepto ng Maharlika Fund ng mag-asawang yumaong pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. at Imelda, ang pondo ay magmumula sa kanilang private sources at assets.

Taliwas ito sa Maharlika Fund na minamadaling lagdaan ng anak nilang si Ferdinand Jr. na ang pondo ay huhugutin mula sa gobyerno o kaya’y sa kontribusyon ng taumbayan.

Nakasaad pa rin sa librong isinulat ni Cherry Cobarrubias, tagapagsalita ng dating unang ginang, ang orihinal na Maharlika Fund na binuo at nilagdaan ni Gng. Imelda noong Abril 2019, ay pinangalanan aniya siya bilang sole facilitator. Ito aniya ang possible future execution ng Marcos Foundation. Ngunit lumipas na aniya ang panahon at sirkumstansiya. Si Imelda ay magiging 94-anyos na sa Hulyo 2, 2023. At ngayon ay presidente na ng bansa ang kanyang anak.

Ayon sa Order to Register na nilagdaan ni Imelda Marcos, bilang Chairman Emeritus ng The Maharlika Fund noong Abril 9, 2019 para sa organisasyong “Marcos Loyalist for God”, inatasan niya si Cobarrubias na maging lider ng organisasyon, at hikayatin ang mga miyembro na magparehistro sa website www.maharlikafund.com o PhoneApp Mahalika Fund upang ang mga miyembro ay makalahok sa “dividend for humanity” program at makatanggap ng tradeable digital coin bilang regalo mula sa kanilang pamilya.

Idineklara rin ng dating First Lady na walang ibang digital coin o ibang porma ng asset-backed cryptocurrencies kasama ng anomang ecosystems, ang ipalalabas sa kanyang pangalan patungo sa publiko kundi para lamang sa proyektong ito.

Sinabi pa ni Imelda na ang order ay base sa “last will” ng kanyang yumaong asawa na si Ferdinand Sr.

Ngunit mababalewala ang lahat ng ito sa sandaling lagdaan ni Marcos Jr. ang panukalang ipinasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Maaari pang bawiin

Kaugnay nito, may pagkakataon pa umanong bawiin ni Senate President Juan Miguel Migz Zubiri ang nilagdaang Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Ito ang binigyang-diin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa gitna ng mga kwestyon sa ginawang pagbabago sa dalawang probisyon kahit aprubado na ito sa 3rd and final reading at inadopt pa ng Kamara.

Tinukoy ni Pimentel ang sections 50 at 51 na pinagsama na sa iisang probisyon at ginawang prescription of crimes/offenses na idineklarang 10 taon at hindi 20 taon.

Iginiit ng minority leader na hindi maituturing na saklaw pa ng subject to style ang pagbabagong ito at dapat ay idinadaan sa plenaryo ng Senado.

Sinabi ni Pimentel na mas makabubuti sana kung pinirmahang as is ang bill at isinumite sa Pangulo at saka na lamang maghain ng panukalang amendment sa pagbabalik ng sesyon.

Sa ganitong paraan anya ay maayos na mailalatag ang mga pagbabago sa panukala.

Pinakamayayaman
hinikayat mamuhunan

Samantala, hinikayat ng pamahalaan ang mayayamang Pilipino na mamuhunan sa MIF sa oras na maging operational na ito.

“We’re hopeful. Iyon pong mga conglomerates natin, we can also do some joint ventures, co-investments sa mga infrastructure projects,” ayon kay National Treasurer Rosalia de Leon sa isang panayam.

Gayunman, tiniyak ni De Leon na ang soon-to-be-formed Maharlika Investment Corp. (MIC) ay maayos na susuriin ang bawat pamumuhunan.

Noong Huwebes, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na hihimayin ng Malakanyang ang rebisyon sa MIF bill subalit nangako na lalagdaan ang panukalang batas sa oras na makuha na niya ito.

Sinabi ni De Leon na ang MIC board of directors ang siyang lilikha ng “investment at risk management strategies” kung saan makikita ng publiko ang posibleng pagbabalik ng mga proyekto.

“Dadaan din po iyan sa very rigorous screening process – ano iyong mga magiging return ng mga projects na iyon, ano bang mga risk. Mayroon ding risk mitigating measures na ia-identify to ensure na mamu-monitor very well and at the same time, adjust all those risks,” aniya pa rin.

Tiniyak ni De Leon na ang lahat ng mga proyekto ay idadaan sa pamamagitan ng procurement process at ang tanging exempted lamang ay ang “technical aspect o soliciting technical advice.”

Tiniyak din nito na hindi magagamit ang pondo ng social services ng pamahalaan para sa panukalang Maharlika Investment Fund.

Ani De Leon, bagamat kukunin ang P50 bilyon na seed money sa gobyerno, hindi naman gagalawin ang pondo para sa social programs at sa edukasyon.

Aniya pa, kukunin ang pondo sa dibidendo sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Gaming Corporation.

Sa panukala ng Kongreso, kukunin ang pondo ng Maharlika Fund sa BSP, gaming revenues, Landbank at Development Bank of the Philippines. (DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)

89

Related posts

Leave a Comment