Inihatid na sa huling hantungan PAALAM, FVR

INIHIMLAY na kahapon si dating pangulong Fidel V. Ramos sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig, Metro Manila.

Nanguna sa mga nagsipaghatid sa ika-12 Pangulo ng Pilipinas na nagsilbi noong 1992 hanggang 1998, si Armed Forces of the Philippines Commander in chief, President Ferdinand ‘Bongbong’ Romualdez Marcos Jr. at ang bagong talagang AFP chief of staff na si General Bartolome VO Bacarro.

Matapos ang seremonya, tinanggap ng pamilya Ramos ang labi ng dating lider na isa ring military man at inilagay sa karwaheng tradisyunal na pinaglalagyan ng labi ng mga diplomat, dating lider ng bansa, o national artist.

Nag-flower drop ang militar bilang pagpupugay kay Ramos, bukod pa sa mga putok ng kanyon at baril na ginagawa sa mga state funeral o hero’s burial.

Dumating si Pangulong Marcos Jr. at sumama sa paghahatid kay Ramos — na pinsan ng kanyang ama — sa huling hantungan at siya ring nag-abot ng watawat.

Bago ang libing, nagdaos muna ng pribadong misa sa Heritage Park ang pamilya Ramos at pinagkalooban ng military honors ng Armed Forces of the Philippines ang dating pangulo.

Naging tahimik at maayos ang departure honors sa Heritage Park, kung saan nagpatupad din ng mahigpit na seguridad ang AFP contingent na binubuo ng may 1,000 sundalo at opisyal.

Pumanaw noong Hulyo 31 si Ramos sa edad na 94.

Nagpakita naman ng kanyang katatagan si Ginang Ming Ramos, ang biyuda ni FVR, na nagpahatid ng kanyang pasasalamat sa mga dumalo at nakiramay sa pagyao ng asawa. (JESSE KABEL)

94

Related posts

Leave a Comment