MAGPAPATAYO si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ng “immunization registry system” sa bawat local government sa bansa para sa mas mabilis na access sa mga rekord sa bakuna ng mga Filipino, matapos manalo sa halalan sa Mayo 9.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na ang registry system sa bakuna ay para sa mas mabilis na pag-access ng mga kababayan natin sa pamamagitan ng digital platform sa halip na mga pangkaraniwang ID o identification card.
Kasama rin sa naturang sistema ang pagbibigay ng QR (quick response) codes sa bawat Pilipino na nabakunahan na pwedeng magamit sa lahat ng establisyemento na kanilang papasukan.
Sinabi ni Marcos na standard bearer din ng Partido Federal ng Pilipinas na ilan lamang ito sa napakaraming programa ng BBM-Sara UniTeam para tutukan ang kalusugan at labanan ang patuloy na banta ng Covid19 upang tuluyan ng makaahon ang bansa mula sa pandemya.
“Our unifying leadership shall provide measures and strategies on how Filipinos can improve their lives and how the Philippine economy can rebound while in the midst of the pandemic and even beyond it,” ani Marcos sa pahayag.
Kapag manalo, siniguro ni Marcos at kanyang katambal na si Inday Sara Duterte na bibigyan nila ng solusyon ang mga problema sa iba’t ibang sektor na tinamaan ng pandemya tulad ng agrikultura, kuryente, telekomunikasyon, digital infrastructure, kalusugan, MSMEs, tourism, manufacturing, transportasyon at iba pa.
“We shall increase the budget for the country’s healthcare system, increase health workers’ salaries and benefits, add more public hospitals, and boost the country’s medical research capability,” sinabi ni Marcos.
Kamakailan ay inanunsyo rin ni Marcos na plano niyang dagdagan ang bilang ng mga specialty hospital sa bawat rehiyon katulad ng National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines at Philippine Heart Center.
Kasabay nito, sinabi rin ni Marcos na plano rin niyang palawakin ang tungkulin ng mga rural health unit sa pagbibigay “first-line healthcare services” sa publiko.
95