Kung ‘di mabibigyan ng trabaho ng Marcos admin KABATAAN MAHUHULOG SA SINDIKATO

MAPAPARIWARA ang mga kabataan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung wala itong gagawing aksyon para bigyan ang mga ito ng trabaho.

Ito ang babala ng Kabataan party-list na kinakatawan ni Rep. Raoul Manuel sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos lumabas sa survey ng Social Weather Station (SWS) na 69% sa mga Pilipino ang nahihirapan maghanap ng trabaho.

Isa sa mga itinuturo ng nasabing grupo na posibleng dahilan kung bakit nahihirapan ang mga Pilipino lalo na ang mga kabataan ay ang mahinang kalidad ng edukasyon sa bansa na pinalala pa ng pandemya sa COVID-19.

Subalit ang pinakamatinding dahilan anila ay ang kawalan ng oportunidad sa bansa dahil sa kawalan ng interes ng gobyerno na mamuhunan para magkaroon ng sariling industriya.

“Kawawa ang kabataan kung walang aksyon na gagawin agad ang gobyerno at ‘di magiging pro-people ang economic framework,” ani Renee Louise Co, executive vice-president ng Kabataan Party-list.

“Kung may larong ‘Hide and Seek’ tayo noong bata pa, pagtanda ang pinapalaro naman ng ating gobyerno at mga kapitalista sa kabataang job hunter ay ‘Seek and Hide’. Hanap nang hanap ng trabaho kahit tapos na ng college, pero pag walang mahanap napapakapit na po ang marami sa patalim kaya tago nang tago na dahil ilegal ang napasukan lalo sa abroad,” paliwanag pa ni Co.

“Ang kawalan ng oportunidad sa edukasyon at trabaho ang totoong nagpapariwara sa kabataan – hindi ang kawalan ng disiplina o aktibismo,” dagdag pa ni Co. (BERNARD TAGUINOD)

95

Related posts

Leave a Comment