KASADO na ang miting de avance ng UniTeam sa pangunguna ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at kanyang running mate na si Inday Sara Duterte sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Kahapon ay inanunsyo ni Atty. Vic Rodriguez, Chief of Staff and Spokesperson ni Marcos Jr. ang petsa at mga lugar na pagdarausan ng pinakaaabangang miting de avance.
Sa Visayas, itinakda ang aktibidad bukas (Martes, Mayo 3) sa Guimbal Football Field, Guimbal, Iloilo.
Susundan ito ng Mindanao sa Huwebes, Mayo 5 na isasagawa naman sa City Hall Grounds, Tagum City sa Davao del Norte.
Isasagawa naman sa Sabado (Mayo 7) ang para sa Luzon na itinakda sa Block 7, fronting Solaire, Parañaque City.
Inaasahan na lalong bubuhos ang mga tagasuporta ng UniTeam sa tatlong malalaking aktibidad lalo’t patapos na ang kampanya.
Tinaguriang ‘blockbuster’ ang mga rally at caravan na isinagawa ng grupo ni BBM saanmang lugar sila magpunta dahil dinarayo ng mga masigasig nilang tagasuporta.
Sa pinakahuling resulta ng Laylo Research pre-election survey, pumalo sa 64 percent ang rating ni Marcos.
Napanatili ng nangungunang presidential bet ang malaking kalamangan sa voter preference bago ang May 9 elections.
Ang survey ng Laylo ay isinagawa mula April 14 hanggang 20 at nilahukan ng 3,000 respondents.
Sa kaparehong upward trajectories sa mga nakalipas na survey na isinagawa ng Pulse Asia, OCTA Research, Social Weather Stations, at Publicus sa nakalipas na dalawang buwan, posibleng
pumalo pa sa 70-percent ang preference level ni Marcos, ayon sa kanyang kampo.
Ipinakita sa latest Laylo Research survey na nadagdagan si Marcos ng 3 percentage points mula sa kanyang March performance na 61 percent, na nagbigay sa kanya ng 43 points na kalamangan sa malayong pumapangalawa sa kanya na si Vice President Leni Robredo na nakakuha lamang ng 21 percent voter preference.
127