Maagang Pamasko sa mga Pinoy KADIWA NG PASKO INILUNSAD NI PBBM

(CHRISTIAN DALE)

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng Kadiwa ng Pasko na naglalayong maghatid ng mas murang bilihin para sa taumbayan.

Sa pagdalo ni Pangulong Marcos sa Kadiwa ng Pasko sa Molave Covered Court, Molave Street, Barangay Addition Hills, Mandaluyong City, sinabi nito na ginawa niya ang Kadiwa ng Pasko bilang Kalihim ng Agrikultura.

“Kaya naman ako nag-Secretary of Agriculture para magawa ko itong mga bagay-bagay na ito, gawing national ang mga magagandang project,” lahad nito.

“Kung yung mga siguro masyadong bata hindi ninyo naaalala yung naunang lumabas na Kadiwa, ganito rin. Ang kadiwa ay nagdadala lamang ng mas murang bilihin para sa taong bayan. Paano nagiging mas mura? Nagiging mas mura dahil ang pamahalaan, unang-una pagbibili ng bigas kinukuha sa NFA, kinukuha sa buffer stock, dun lang, hindi kumikita ang NFA, kung ano ang pinagbili nila ganun din ang presyo kaya’t yung nakita n’yong bigas P25, palapit na tayo dun sa aking pangarap na mag-P20 pero dahan-dahan lang. Abutin din natin yan. Pero marami pa tayong gagawin. Ang dami pang nangyayari,” aniya pa rin.

“At wala naman tayong magawa dahil yung pagtaas ng presyo ng bilihin ay hindi naman nanggaling sa ekonomiya natin, nanggaling yan sa mga pangyayari sa iba’t ibang lugar na hindi naman natin makontrol kaya nga kami naman bilang inyong pamahalaan, ay sabi namin wala tayong magagawa dun sa presyuhan, tumulong na lang tayo dun sa kakayahan ng pagbili. Yan ang naging, yan ang ano sa kaya’t mayroon tayong fuel subsidy, kaya mayroong AICS, kaya mayroon tayong tupad para makatulong din kahit papano para mabawasan ang ginagastos ng taong bayan,” dagdag na wika nito.

Ito aniyang Kadiwa ay nakamumura dahil ang pamahalaan ang bumibili diretso sa supplier.

Ibinida rin ng Pangulo na katuwang niya ang kanyang pamilya sa paglulunsad ng kadiwa.

“Kung makikita po ninyo itong nasa screen, laping apat ito na iba’t ibang Kadiwa sa pasko na binubuksan namin. Si FL napunta sa Parañaque, si Cong. Sandro nasa Quezon City, yung isang anak ko si Simon ay nasa San Juan. Patuloy po ito, pararamihin po natin ito hangga’t may coverage na tayo na national,” anito.

Bukod pa aniya rito, kahit na ang pinangalan nila ay Kadiwa ng Pasko ay magpapatuloy ito kahit tapos na ang Pasko.

“Maligayang Pasko sa inyong lahat at Happy New Year,” ang maagang pagbati ng Pangulo.

Samantala, sinabi ng Pangulo na labis siyang natutuwa at nakabalik siya ng Mandaluyong matapos ang kampanya at halalan.

38

Related posts

Leave a Comment