MARCOS-DUTERTE MABIBIYAK SA ICC

NAMUMURO ang paghihiwalay ng mga Marcos at Duterte kapag sineryoso ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang banta na hindi na makipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC).

Ito ang senaryong nakikita ni dating congressman at Bayan Muna chairman Neri Colmenares na isa sa mga abogado ng pamilya ng mga biktima ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“The threat of Pres. Marcos puts Duterte at a serious disadvantage that could lead to his eventual incarceration and could divide the Marcoses from the Duterte,” pahayag ni Duterte.

Noong 2022 election ay nagsanib-puwersa ang mga Marcos at Duterte kung saan running mate ni Marcos Jr., ang anak ng dating pangulo na si Vice President Sara Duterte.

Gayunpaman, hindi malayong maghiwalay ang dalawang pamilya matapos magbanta si Marcos na puputulin na umano nito ang lahat ng komunikasyon sa ICC matapos malaman na ni-reject ng nasabing korte na ipagpaliban ang imbestigasyon sa war on drugs.

Ipinaliwanag ng dating mambabatas na madedehado si ex-PDu30 dahil makipagtulungan man o hindi ang Marcos Jr. administration ay tuloy ang imbestigasyon at paglilitis dito sa kasong crime against humanity.

Gayunman, nilinaw ni Solicitor General (SolGEn) Menardo Guevarra na buhay pa ang apela ng gobyerno ng Pilipinas sa ICC kaya itinuturing ito ni Colmenares na “bigay-bawi”.

“Of course if Pres. Marcos Jr. will disengage from the ICC and no longer submit their evidence to defend ex-president Duterte that is their prerogative. After all, that will save Filipino taxpayers from spending millions for his legal defense,” ayon pa kay Colmenares.

Mas mapadadali umano ang paghatol ng ICC laban kay Duterte kapag hindi nagsumite ang gobyerno ng Pilipinas ng mga ebidensya para patunayan na mali ang alegasyon laban sa dating pangulo.

‘Rule of law’

Samantala, sa kanyang pagsasalita sa plenary session ng Second Session for Summit for Democracy, binigyang-diin ni Marcos Jr. na umiiral ang “rule of law” sa Pilipinas.

Gumagana aniya ang criminal at justice system sa bansa.

Tinuran ng Pangulo sa nasabing summit nitong Miyerkoles na masusing iniimbestigahan ng Pilipinas at inuusig ang heinous crimes, kabilang na ang illegal drug-related cases.

“We continue to improve mechanisms such as the AO35 inter-agency committee to enhance accountability. The Philippines’ commitment to fight impunity for atrocity crimes is solid and unwavering, notwithstanding the withdrawal of the country from the Rome Statute,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang video message.

“The Philippines has a national legislation punishing heinous crimes. We have vigorously exercised our jurisdiction to investigate and prosecute crimes, including those allegedly committed in the context of the anti-illegal drugs campaign,” dagdag na wika nito.

Sinabi pa ng Pangulo sa mga summit participants na ang pamahalaan ay naglalaan talaga ng panahon para palakasin ang tinatawag na “administration of justice’ sa pamamagitan ng iba’t ibang institusyon at mekanismo at maging protektahan ang “right to life, liberty at security” ng mga mamamayang Pilipino. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

95

Related posts

Leave a Comment